ISASAILALIM sa forensic examination ang cellphone ni dismissed Police Lt. Col. Rafael Dumlao III upang matukoy kung sinu-sino ang posibleng tumulong sa kanyang pagtatago.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, sumailalim muna sa mahigpit na surveillance si Dumlao bago ito naaresto sa isang bahay sa Pasong Tamo, Quezon City dakong alas-5:00 ng madaling araw nitong Martes.
Matatandaang si Dumlao ang itinuturong mastermind sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick Joo noong 2016.
Bagama’t una siyang na-acquit ng Angeles Regional Trial Court sa kasong kidnapping at murder, binaligtad ito ng Court of Appeals noong 2024 at hinatulan siyang guilty sa kasong kidnapping with homicide.
Noong 2025 ay naglabas ng manhunt order laban kay Dumlao na kalaunan ay nilagyan pa ng P1-milyong reward para sa kanyang pagkakaaresto.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na siya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) habang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang lugar na posibleng pinagtaguan niya bukod sa Metro Manila.
Sinabi rin ni Remulla na naipabatid na nila sa Pangulo ng South Korea at sa pamilya ni Jee Ick Joo ang pagkakaaresto kay Dumlao.
Samantala, mapupunta sa impormanteng nagturo sa kanyang kinaroroonan ang P1-milyong reward.
(TOTO NABAJA)
76 