ELEKSYON SA MONTALBAN TINANGKANG I-NEWS BLACKOUT

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NAKARANAS ng panggigipit ang isang media team mula sa grupong nagpakilalang mga pulis na pawang mga nakasibilyan na nanghuli sa kanila dakong madaling araw noong Mayo 12, 2025.

Pabalik na sana ang team ng inyong lingkod sa aming tinutuluyang lugar para magpahinga at paghandaan ang full media coverage sa araw ng eleksyon sa nasabing bayan nang biglang may humarang sa aming harapan na dalawang police mobile, samantala tatlo pa ang nasa likuran namin bukod pa sa mga indibidwal na nakamotor.

Maya-maya pa ang isang nakasibilyan, naka-short at nakasumbrero na hindi man lang nagsabi na siya ay pulis, ay kumatok sa driver side ng aming marked media service vehicle.

Ayon sa kanya, naalarma raw ang mga residente ng Montalban nang umikot kami na nakasakay sa aming marked media service vehicle.

Sinabi pa niya na nakita rin kami sa Ynares Center nang magtungo sila roon, kaya ‘yun daw ang dahilan kaya kami nila pinara at pinaikutin ng limang police mobile at mga nakamotor na ang mga nakasakay ay pawang mga nakasibilyan.

Sa pagkakataong ito ay pinilit ng lalaki na nakasumbrero, naka-short at nakasibilyan, na kunin ang aking media ID at kinunan pa ito ng picture.

Samantala, siya ay hindi man lang nagsabi kung siya ba ay pulis o sibilyan at hindi rin ibinigay ang kanyang pangalan.

Doon pa lang sa pagkuha niya ng aking media ID ay dehado na agad ang panig ng media team, paano kung ginawan kami ng kalokohan ng mga ito? Paano namin sila matutukoy dahil hindi sila naka-uniporme at hindi rin ibinigay ang kanyang pangalan?

Ilang sandali pa ay sinabi ng lalaki na may tatawagan lang siya, ilang minuto ang nakalipas ay bumalik siya sa amin at sinabi niyang kailangan kami mag-report kay Col. Paul Sabulao, chief of police ng Montalban.

Pwede naman daw kami mag-cover sa eleksyon, basta humingi muna kami ng pahintulot kay Col. Sabulao, kung hindi kami makikipag-usap sa chief of police ng Montalban ay hindi kami nila papayagang mag-cover sa eleksyon ng Montalban.

Para matapos na ang usapan ay sinabi ko na magre-report ako kay Col. Sabulao sa umaga ng May 12, 2025, bago kami magpunta sa mga eskuwelahan kung saan gaganapin ang botohan.

Dahil dito, umaga noong May 12, ay nagtungo ang boss ng aming company at pagkaraan ay sinabing pumayag na raw na muli kaming mag-cover sa eleksyon ng Montalban.

Kinabukasan dakong alas-9 ng umaga habang binabagtas namin ang isang kalye sa Montalban at papunta kami sa Burgos Elementary School sa Brgy. Burgos kung saan may nakarating na amin na ulat na may bilihan ng boto (vote buying) at isinasagawa pa diumano sa barangay hall mismo, ay bigla kaming hinarang ng grupo ng mga lalaki na nauna nang humarang sa amin madaling-araw ng May 12 sa E. Rodriguez Avenue, Montalban.

Sa pagkakataong ito ay hinuli na kami at dinala sa Montalban Police Station at doon ay nakausap namin si Police Captain Mendez na kung saan ay napag-alaman namin na ang humuli sa amin ay mula sa Provincial Capitol ng Rizal.

Kung mga pulis man sila ay bakit sila mga nakasibilyan at may mga kasama pang nakamotor na nagtuturo sa amin na hulihin kami? Sino ang nasa likod nila? Nais ba nila kami palayasin sa Montalban coverage para matuloy ang nagaganap na vote buying?

Sinabi ng lalaki na naalarma ang mga residente ng Montalban dahil sa amin o baka naman ang naalarma ay gumagapang sa mga botante para isagawa ang nasabing vote buying, pabor sa kanilang kandidatong sinusuportahan?

Dahil natakot kami para sa aming buhay ay hindi muna kami tumuloy sa aming tinutuluyan, at umakyat muna kami patungong Payatas, Quezon City subalit sinundan pa rin kami ng mga nakamotor na pawang mga nakasibilyan at hindi kami tinantanan hangga’t hindi kami nakalalabas ng bayan ng Montalban.

Obyus na gusto nila kaming itaboy at ayaw nilang may media na magiging mata sa eleksyon sa Montalban.

Nakatanggap ang grupo namin ng ulat na dalawang beses nagkaroon pay-out o vote buying, isa sa umaga at isa sa hapon na tinawag nilang pang “finally” at ginawa umano sa iba’t ibang barangay hall mismo ng Montalban.

DILG Secretary Jonvic Remulla at PNP chief, Gen. Rommel Marbil, tama ba ang ginawa ng mga nag-iikot na police mobile na pawang mga nakasibilyan ang sakay, sa paghuli ng marked media service vehicle?

‘Di ba nakaalerto ang mga awtoridad sa araw ng eleksyon kaya dapat ang lahat ng mga naka-duty na pulis ay naka-uniporme?

Akala ko tuloy ang humarang sa amin ay mga rebelde o goons na inagaw ang mga police mobile na ‘yun na kanilang ginamit. Akala namin katapusan na ng aming buhay sa pangyayaring iyon.

Dahil dito, nakatakda kaming maghain ng reklamo sa Commission Human Rights (CHR) at iba pang opisina na nagbibigay ng proteksyon sa media laban sa mga umaresto sa amin at tangkang pagpigil sa aming media coverage sa Montalban.

oOo

Para suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com

90

Related posts

Leave a Comment