BABAWIIN na lang ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail price (MSRP) policy para sa pork products na nabibili sa wet markets dahil sa mababang pagsunod ng retailers.
Sinabi ni DA Undersecretary for Livestock Constante Palabrica na ang pagbawi sa MSRP para sa baboy ay iaanunsyo sa loob ng 24 oras.
“It will be lifted, while we are studying on how we can implement the MSRP [better],” ang sinabi ni Palabrica sa isang panayam.
Ang hakbang ay “one step backward, two steps forward strategy” habang ang MSRP sa baboy ay babaguhin para hikayatin ang pagsunod ng mga pork retailers.
Simula nang ipatupad ang polisiya noong Marso 10, ikinalungkot ng DA ang mababang pagsunod sa MSRP kung saan nakapagtala lamang ng 30%.
Itinatag ng Agriculture Department ang MSRP, nagtakda ng presyo sa halagang P380 kada kilo para sa liempo, P350 kada kilo para sa kasim at pigue sa wet markets sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR), at P300 kada kilo para sa baboy na ibinebenta ng traders sa mga retailers, hindi kasama ang sa mga supermarket at hypermarket.
“So expect a possible revision of the MSRP, [we’re] holding it in the meantime while we’re studying on how we can make it really effective,” ayon kay Palabrica.
“Let’s put it this way… we’re going to lift it, we’re going to study it then come up with a revised program,” aniya pa rin.
Ang paliwanag pa ni Palabrica, nahihirapan ang mga pork retailers na sumunod dahil sa mababang suplay ng baboy sa gitna ng nagpapatuloy na African swine fever problem at “so much demand because of elections.”
Inamin ng mga retailers na nahihirapan ang mga ito na sumunod sa MSRP, dahil hindi sila maaaring magbenta ng ibang pork cuts, napipilitan ang mga ito na i-offset ang mga pagkalugi sa pamamagitan ng pagbebenta ng kasim at liempo.
Tinukoy rin ng mga ito ang gastos para sa biosecurity sa gitna ng banta gaya ng African swine flu.
(CHRISTIAN DALE)
