LAGUNA – Timbog ang isang binata matapos tangkaing ibenta sa pamamagitan ng pag-aalok sa social media ng kanyang ninakaw na motorsiklo sa bayan ng Calauan sa lalawigan.
Ayon sa report ng Calauan Police, nawala ang motorsiklo na pag-aari ng isang 33-taong gulang na babaeng daycare teacher noon pang madaling araw ng Abril 21 sa Brgy. Balayhangin ngunit hindi agad ini-report sa pulisya at inilapit na lamang sa barangay dahil sa kawalan ng pag-asang maibabalik pa ito.
Subalit noong Sabado ng umaga, nadiskubre nitong naka-post at ibinebenta ng isang lalaki ang motorsiklo sa Facebook Marketplace.
Agad itong nag-report sa Calauan Police na kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation sa Los Baños, Laguna at natimbog ang 20-anyos na binata at nabawi ang motorsiklo.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may iba pang kasabwat sa insidente ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.
(NILOU DEL CARMEN)
