NATIKLO ang isang lalaki na wanted sa kaso ng panghahalay sa isang menor de edad, sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operations (SACLEO) ng pulisya sa Navotas City.
Ayon sa ulat ni Navotas City Police chief, P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa lungsod ang presensya ng 35-anyos na suspek sa rape.
Sa ikinasang operasyon ng mga operatiba ng Intelligence Section ng Navotas City Police, nadakip nila ang suspek sa Yangco Street, Barangay Navotas East, dakong alas-5:15 ng gabi noong Sabado.
Hindi nakapalag ang suspek nang bitbitin ng mga tauhan ni Col. Cortes sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 169, sa kasong rape in relation to R.A. 7610 (child abuse).
Walang inirekomendang piyansa ang korte para nasabing kaso ng suspek na nakapiit ngayon sa Custodial Facility Unit ng Navotas City Police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.
(MARDE INFANTE)
