2 BINARIL SA ALITAN SA PARKING

DALAWA katao ang sugatan makaraang barilin ng isang lalaki dahil sa alitan sa parking sa Barangay 103, Tondo, Manila noong Sabado ng umaga.

Nahaharap ang 44-anyos na suspek na si Gregorio Tabago sa kasong frustrated murder at physical injury.

Kinilala naman ang mga nasugatan si John Villanueva, 45, ng naturang lugar, at isang 20-anyos na dalaga.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Melvin Florida Jr., station commander, bandang alas-4:00 ng hapon ay nadakip ang suspek sa isinagawang follow-up operation sa tulong ni Police Major Adobis Sugui, ng Northern Police District, sa Langaray Street, Caloocan City.

Nauna rito, dakong alas-10:10 ng umaga, wala umanong maparadahan ng kanyang motorsiklo ang suspek sa panulukan ng Lallaña Street at J.P. Rizal St. sa Barangay 104 sa Tondo na nagresulta sa mainitang pakikipagtalo sa biktima.

Pagkaraan ay umuwi umano sa kanilang bahay ang suspek ngunit bumalik na armado ng baril at pinaputukan si Villanueva gayunman, tinamaan din ng bala ang isang 20-anyos na dalaga.

Kapwa isinugod sa ospital ang mga biktima habang nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga awtoridad na ikinadakip ng suspek.

(RENE CRISOSTOMO)

62

Related posts

Leave a Comment