PINAG-AARALAN ngayon ng Department of National Defense (DND) ang paglalagay ng military installation sa Palawan upang higit na matutukan sovereign at maritime security bansa.
Ayon kay defense secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro Jr., planong pamahalaan na magtayo ng airbase at naval station sa bayan ng Balabac sa nabanggit na lalawigan.
Kabilang sa konstruksyon ay ang joint-use runway para sa Philippine Air Force (PAF) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
“Mag-iinspeksiyon tayo, dahil ang runway ay ang CAAP. Titingin tayo ng lugar kung saan talaga pwede na maglagay ng airbase at ng naval base,” ani Teodoro.
“Ang report sa akin ay ‘yung Air Force side at ‘yung naval side ay magkatabi. ‘Yun nga lang, may lupain na kailangan kunin para buo ‘yung lugar, isahan na lang,” pagbabahagi pa ng kalihim.
Inihayag ni Teodoro, nagsisilbing strategic location ang Balabac sa bansa kung saan karaniwang dumadaan ang mga dayuhang barko kabilang ang China.
Ito rin ang isa sa pinakamalaking isla sa timog-kanluran ng Pilipinas kung saan nagsasalubong ang South China Sea at Sulu Sea.
“Minsan dumadaan talaga rito ang Chinese vessels. At ito kapag hindi nadama or hindi nagkaroon ng presence, napakadali na abusuhin ng foreign influence and other inappropriate and illegal activities,” sabi pa ng kalihim.
Sinasabing target nilang umpisahan kaagad ang nasabing military installation oras na mapaglaanan na ng pondo. Target din ng Western Command (WESCOM) at PAF na magtayo ng health center sa munisipalidad para sa pangangailangan ng mga residente.
Nitong nakalipas na linggo, idinaos ng pamahalaan ang ‘All-in-One Bayanihan’ community outreach activity sa Balabac. Nagbigay ng serbisyo ang pinagsanib na pwersa ng Go Share Philippines, Balabac local government unit, Balabac District Hospital, at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang sa ipinamahagi ay ang mga school supply, food packs, water filter, at wheelchair.
JESSE KABEL RUIZ
