INAASAHAN ng Department of Education (DepEd) ang nasa 27 milyon mag-aaral mula preschool hanggang senior high school para sa School Year 2025 – 2026.
Kaugnay nito, nasa 38 libong pulis ang itatalaga ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng inilalatag na paghahanda sa pagbabalik-eskwela sa Hunyo 16, 2025.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director at PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, mas paiigtingin ng Pambansang Pulisya ang pagbabantay sa pagdagsa ng milyong mag-aaral sa mga eskuwelahan gayundin ng mga magulang na aalalay sa kanilang mga anak sa araw ng pasukan.
Palalakasin ng PNP ang pagpapatrolya sa mga pangunahing lansangan, partikular sa mga lugar na malapit sa mga paaralan para masiguro ang kaligtasan ng nasa 27 milyong enrollees.
Bukod sa police visibility, beat patrol, ay magtatatag din ang PNP ng mga police assistance desk para matiyak na mabilis na mabibigyang pansin ang pangangailangan ng mga estudyante, magulang at maging mga school personnel.
Inihayag naman ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III na dito masusubukan ang response time ng mga pulis sa oras ng pangangailangan, emergency o simpleng police assistance na bahagi ng kanyang planong 5 to 3 minutes emergency response time.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay DepEd Assistant Secretary Jocelyn Andaya noong Sabado, Hunyo 7, 2025, tinatayang nasa daang libong bagong classrooms na ang kanilang naipatayo upang matugunan ang bilang ng mga estudyante.
“We will be able to build 105,000 new classrooms, and we will accelerate it through the early procurement activities na pinu-push natin ito. Nakikipag-coordinate closely tayo sa DPWH (Department of Public Works and Highways) sa ganitong bagay,” ani Andaya.
Katuwang din ng DepEd ang Local Government Units (LGU) upang malutas naman ang mga sira sa classrooms, partikular ang mga upuan at lamesa ng mga estudyante.
Kaugnay naman ng kakulangan ng bilang ng mga guro, giit ni Andaya, “There are 20,000 new items. ‘Pag ma-fill po natin ‘yan ngayon, 32,000 na lang mahigit ang ating shortage.”
(JESSE KABEL RUIZ)
