APAT PATAY SA HINIHINALANG TOXIC GAS SA BARKO

PATAY ang apat na tripulante ng isang fishing vessel habang kritikal naman ang isa pa nilang kasamahan matapos umanong malason ng kemikal o maubusan ng oxygen sa loob ng compartment ng barko na nakadaong sa canning facilities ng isang sardines factory sa Barangay Cawit, Zamboanga City.

Sa ulat ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, nag-collapse ang mga biktima sa loob ng hatch o imbakan ng F/V Kevin habang naka-dock ito sa sardines processing facility kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Ranillo Sanugal Jr., 27; John Edgar Dotillos, 22; at Arnold Bongcawel. Hindi muna isinapubliko ang pangalan ng ikaapat na biktima dahil hindi pa naipapaalam sa pamilya nito.

Ayon kay Major Shellamie Chang, tagapagsalita ng PNP Police Regional Office-9, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang tripulante ng F/V Kevin matapos matagpuang walang malay ang kanilang mga kasamahan sa loob ng fishing compartment.

Sa paunang imbestigasyon, dalawang tripulante ang unang pumasok sa hatch upang maglinis matapos ang pagdiskarga ng kargamento ngunit ilang minuto lamang ay nawalan umano ng malay ang mga ito.

Sa pag-aakalang may problema sa kuryente, agad na pinatay ng mga crew ang power supply ng barko.

Dalawa pang tripulante ang pumasok upang sagipin ang kanilang mga kasama ngunit maging sila ay nag-collapse rin sa loob ng compartment.

Nailabas lamang ang mga biktima sa tulong ng iba pa nilang kasamahan na nakasuot na ng face masks bago isinailalim sa pangangalaga ng City Disaster Response Team at Talisayan Ambulance Service.

Pinaniniwalaang kakulangan ng oxygen, toxic gas, o nakalalasong kemikal na nakulong sa loob ng compartment ang sanhi ng insidente.

Patuloy ang imbestigasyon habang wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng sardines processing facility.

Personal namang ininspeksyon ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso ang lugar kasama sina City Health Officer Dr. Dulce Miravite, mga tauhan ng Philippine Coast Guard, SOCO, Zamboanga City Police Office, sanitary inspectors at mga barangay official.

(JESSE RUIZ)

86

Related posts

Leave a Comment