INDEPENDENCE DAY GENERALLY PEACEFUL

(JESSE RUIZ)

MASASABING naging mapayapa at maayos ang pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan sa buong bansa matapos walang maitalang malaking insidente ang Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr., muling napatunayan na maaaring magsabay ang pagpapanatili ng kapayapaan at ang malayang pagpapahayag ng mamamayan kung may paggalang sa isa’t isa.

“On this Independence Day, we were able to show once again that there’s really no conflict between the exercise of rights of the people and focusing on our peace and order mandate if we would just respect one another,” ani Nartatez.

Hanggang pasado alas-3:00 ng hapon kahapon ay wala umanong naitalang kaguluhan o seryosong banta sa seguridad sa buong bansa maliban sa ilang petty crimes.

Ayon sa PNP, naging maayos at mapayapa ang lahat ng aktibidad kaugnay ng Independence Day, partikular sa Metro Manila na sentro ng pagdiriwang.

Mahigit 89,000 pulis ang ipinakalat sa iba’t ibang panig ng bansa upang tiyakin ang seguridad ng publiko.

Nabatid na ilang militanteng grupo at partidong pulitikal ang nagsagawa ng maliliit na kilos-protesta ngunit nanatiling mapayapa at maayos ang mga ito.

“As of this hour, the localized demonstrations and public assemblies being held across the country in observance of Independence Day have remained completely peaceful and orderly, with no major untoward incidents reported,” dagdag pa ni Nartatez.

US Nagpaabot ng Pagbati

NAGPAHATID ng pagbati ang United States of America sa sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan.

Sa mensaheng ipinaabot ni US Secretary of State Marco Rubio, binati nito ang Pilipinas at binigyang-diin ang matatag na relasyon ng dalawang bansa.

“On behalf of the United States of America, I extend my warmest congratulations to the people of the Philippines as you celebrate your Independence Day,” ani Rubio.

Ayon sa kalihim, espesyal ang pagdiriwang ngayong taon dahil ginugunita rin ng Pilipinas at Estados Unidos ang ika-80 taon ng diplomatic relations na nabuo sa pamamagitan ng sakripisyo at pagkakaisa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

“The United States is unwavering in our ironclad mutual defense commitments as our two countries mark 75 years of the 1951 Mutual Defense Treaty,” dagdag ni Rubio.

Binigyang-diin din niya ang patuloy na pakikipagtulungan ng Amerika sa Pilipinas bilang magkaibigan, magkaalyado at katuwang sa pagsusulong ng isang malaya at bukas na Indo-Pacific region.

Ayon pa kay Rubio, patuloy ding lumalalim ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor at iba pang strategic partnerships.

Nabatid din na mahigit apat na milyong Filipino-Americans ang naninirahan sa Estados Unidos habang nasa mahigit 750,000 Amerikano naman ang nakatira sa Pilipinas.

Kasabay nito, nakiisa rin ang Philippine Army sa pagdiriwang ng Independence Day sa pamamagitan ng sabayang flag-raising ceremonies sa Fort Bonifacio at iba pang kampo sa buong bansa.

Sa mensaheng ipinarating ni Army chief Lt. Gen. Antonio G. Nafarrete sa pamamagitan ni Army Vice Commander Maj. Gen. Efren F. Morados, hinikayat ang mga sundalo na manatiling tapat sa Konstitusyon at sa kanilang sinumpaang tungkulin.

“Huwag nating hayaang manaig ang panlilinlang at ang mga pansariling interes ng iilan. Sa halip, pairalin natin ang ating katapatan sa ating Konstitusyon, integridad sa paglilingkod, at pagsusumakit sa ating sinumpaang tungkulin at mandato,” ani Morados.

Samantala, inulit naman ni Philippine Military Academy Superintendent Vice Admiral Ceasar Bernard Valencia ang mensahe ni AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. na nananawagan sa mga sundalo, marinero, piloto at sibilyang kawani ng AFP na pangalagaan ang kalayaang ipinaglaban ng mga naunang henerasyon para sa susunod pang mga Pilipino.

Barasoain Church Sentro ng Paggunita sa Bulacan

GINUNITA ng lalawigan ng Bulacan ang ika-128 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa makasaysayang Barasoain Church sa Lungsod ng Malolos noong Hunyo 12.

Naging panauhing pandangal si National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Commissioner Dr. Francis M. Navarro sa seremonyang may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”

Pinangunahan ni Navarro ang wreath-laying ceremony sa monumento ni General Emilio Aguinaldo kasama sina Bulacan Governor Daniel R. Fernando, Vice Governor Alexis C. Castro, Malolos City Mayor Atty. Christian D. Natividad at Vice Mayor Gilbert T. Gatchalian.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Navarro na ang kalayaan ay hindi basta ipinagkaloob kundi ipinaglaban at pinaghirapan ng mga bayani.

“Ang Araw ng Kalayaan ay higit pa sa pagpapahayag ng kalayaan. Ito ay pagpapahayag sa mundo na mayroong bansang Pilipinas, isang bayan na binuo sa pamamagitan ng mga pangarap at sakripisyo,” ani Navarro.

Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng Bulacan sa kasaysayan ng bansa, partikular ang Barasoain at Malolos na nagsilbing mahalagang bahagi ng pakikibaka para sa kalayaan.

Nanawagan siya sa mga Pilipino na manatiling tapat sa mga pagpapahalagang nagbigay-buhay sa bansa gaya ng pagkakaisa, pagmamahal sa bayan at pag-asa.

Ayon naman kay Governor Fernando, ang kalayaan ay hindi lamang isinilang sa pakikidigma kundi sa pagsasanib ng pananampalataya at pagmamahal sa bayan.

Hinimok niya ang mga Bulakenyo na isabuhay ang mga aral ng mga bayani at pangalagaan ang kalayaang ipinaglaban ng mga naunang henerasyon.

Samantala, sinabi ni Mayor Natividad na kailangan pa rin ng bansa ang mga mamamayang may tapang na ipagpatuloy ang laban para sa tunay na kalayaan.

“Magkaisa tayo, ipagpatuloy ang alab ng laban. Huwag natin kalilimutan na ang kalayaan ay patuloy na nananalaytay sa ating mga kamay. Ang kalayaan natin ay patuloy nating ipaglaban mula noon hanggang ngayon,” ani Natividad.

(May dagdag na ulat si ELOISA SILVERIO)

81

Related posts

Leave a Comment