ARESTADO ang isang 18-anyos na estudyante matapos mahulihan ng hinihinalang shabu nang balikan nito ang naiwang container can sa isang restaurant sa General Trias City, Cavite, Huwebes ng umaga.
Nakakulong ngayon sa General Trias Component City Police Station ang suspek na si alyas “Renzo,” residente ng Mary Cris Complex, Brgy. Pasong Camachile 2, General Trias City.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa ulat ni alyas “Renz,” 21, waiter at residente ng Brgy. Pinagtipunan.
Ayon sa salaysay ng waiter, kumain ang suspek bandang alas-11:00 ng umaga sa Eat O’Clock Kuya EHZ Tanpuluts sa Brgy. Pinagtipunan at inilagay nito sa tabi ng mesa ang hawak na container can.
Pagkatapos kumain ay umalis ang suspek ngunit naiwan ang naturang lalagyan.
Nang mapansin ng waiter ang naiwang container can, sinuri niya ito at nagduda sa laman na hinihinalang ilegal na droga kaya agad niya itong iniulat sa pamunuan ng restaurant na siyang tumawag sa pulisya.
Pagbalik ng suspek upang kunin ang naiwan niyang lalagyan ay agad siyang inaresto ng mga awtoridad.
Narekober mula sa isang Mentos Red Metal Can ang tinatayang 1.20 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P8,160.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(SIGFRED ADSUARA)
83 