DEATH TOLL SA MINDANAO QUAKE UMAKYAT SA 55; 31 PA NAWAWALA

SUMAMPA na sa 55 ang bilang ng mga nasawi habang 31 pa ang nawawala matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Iniulat din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mahigit 430,000 katao na ang naapektuhan ng kalamidad sa buong Southern Mindanao.

Ayon kay Office of Civil Defense Assistant Secretary Bernardo Raffy Alejandro, umabot na sa 1,120 katao ang nasugatan habang nagpapatuloy ang search and rescue operations.

Sa Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) Report No. 7, nakapagtala ng 96,090 apektadong pamilya o 430,379 katao mula sa 350 barangay sa Regions IX, XI, XII at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Nasa 2,195 pamilya o 9,365 katao pa ang nananatili sa 25 evacuation centers habang 11,179 pamilya o 43,909 indibidwal ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Umabot naman sa 29,509 kabahayan ang napinsala, kabilang ang 5,129 na lubusang nawasak at 24,380 na nagtamo ng bahagyang pinsala.

Sa kasalukuyan, mahigit P55.16 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya.

Ayon pa sa DSWD, may nakahanda silang P5.17 bilyong halaga ng relief resources kabilang ang food at non-food items at quick response funds.

Nabatid na nananatiling sarado ang dalawang pangunahing pantalan sa rehiyon kaya nahihirapan ang paghahatid ng relief goods sa ilang malalayong lugar.

Dahil dito, ginagamit ang mga air asset ng Philippine Air Force at mga barko ng Philippine Navy upang maihatid ang pagkain at malinis na inuming tubig sa mga apektadong komunidad.

(JESSE RUIZ)

82

Related posts

Leave a Comment