10K FOREIGN POGO WORKERS ‘TNT’ SA PINAS

NASA humigit kumulang sampung libong dayuhan na karamihan ay Chinese nationals na dating nagtatrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang tago ng tago o TNT sa Pilipinas at nakikipagpatintero sa mga otoridad.

Sa ika-15 at huling pagdinig ng Quad Committee sa POGO, extra-judicial killings (EJK) at Illegal Drug Trade sa bansa, sinabi ni Sta. Rosa Laguna Rep. at chairman ng House committee on public order and safety Dan Fernandez na hindi pa tapos ang giyera laban sa ilegal na sugal na dinala ng mga Chinese national sa Pilipinas noong nakaraang administrasyon dahil hindi pa nahuhuli ang mga nabanggit na bilang ng mga dayuhan.

Naniniwala si Fernandez na ang mga ito ang nasa likod ng maliliit na POGO na patuloy na nang-i-scam, hindi lamang sa mga Pilipino kundi sa ibang bansa kaya inatasan niya si Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III na habulin ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Sa interpelasyon ni House deputy speaker David “Jayjay” Suarez, sinabi nito na pumunta ang mga dayuhang ito sa bansa para magpatakbo ng mga ilegal na sugal, money laundering, torture, kidnapping at iba pang uri ng krimen.

“Kaya Kung ilegal ang alam nilang gawin, ilegal din ang gagawin nila kapag sila po ay nakakalat,” ani Suarez at isang patunay umano rito ang mga report na POGO workers ang nasa likod ng kidnapping cases sa mga nakaraang buwan na kinumpirma naman ni PAOCC chief Gilbert Cruz.

Kinumpirma rin ni Cruz na maging ang Chinese embassy ay itinataboy ang mga Chinese national na lumalapit sa kanila para makabalik sa kanilang bansa dahil undocumented ang mga ito na pumunta sa Pilipinas o kaya ay binawi ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang working permit.

(BERNARD TAGUINOD)

8

Related posts

Leave a Comment