HINILING ng isang grupo na imbestigahan ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil umano sa mga kaduda-dudang transaksyon nito.
Kabilang sa mga nais ipasilip sa Office of the President (OP) at Commission on Audit (COA) ang pagpapalabas ng P1.7 billion mula sa kaban ng BARMM sa loob lamang ng isang araw para sa Learner’s Kits at Teacher’s Kits noong Marso 7, 2025.
Hindi umano dumaan ang transaksyon sa Finance Division Chief para sa rebyu at lagda ng hepe nito na siyang itinatakda sa standard procedures at bilang pagtugon na rin sa mga tuntunin at polisiya ng pamahalaan.
Ayon sa insiders sa MBHTE, may mga testigo na nagpahayag ng kanilang nalalaman sa mga kwestyonableng pagpapalabas ng pera para sa ilang programa ng ministry.
Ang MBHTE, na pinamumunuan ni Minister Mohagher Mohammad Iqbal, ay may budget na P36 billion na pinakamalaki at halos one-third umano ng kabuuang budget ng rehiyon.
Matagal nang nahaharap sa kontrobersya ang MBHTE, partikular sa alegasyon na ibinebenta ang naturang Teacher’s Kits sa mismong mga guro.
Inakusahan din ang pamangkin nito na si Apsi Abas, na kilala sa MBHTE sa bansag na “Boss A”, na nakialam sa pagpapahinto ng training program na nakalaan sa mga guro dahil lamang hindi napili ang gusto niyang hotels bilang venues noong 2022. Naningil diumano ang mga hotel na nabigyan ng kontrata dahil sa hindi natuloy na training at nagbantang magdedemanda sa MBHTE.
Bunga nito, nais ilapit ng ilang grupo sa Malakanyang at COA ang mga alegasyon upang mabigyang linaw.
