MALUNGKOT na inanunsyo ng Aspin Academy Corp., ang grupong kumakalinga sa rescued dogs sa Tayabas City, Quezon, na posibleng tuluyan nang isara ang kanilang shelter dahil sa matagal nang problema sa kakulangan sa maaasahang water source.
Ayon sa grupo, taon na nilang dinaranas ang hirap sa suplay ng tubig na kritikal sa araw-araw na pangangalaga sa mahigit 70 asong na-rescue mula sa iba’t ibang lugar sa CALABARZON.
Giit nila, mula pa noong 2024 ay paulit-ulit na silang humihingi ng tulong at nagsisikap na makalikom ng pondo para makapagpatayo ng deep well na magsisilbing pangmatagalang solusyon.
Ngunit ayon sa kanila, hindi pa umabot sa kahit 5% ang nalilikom sa kinakailangang budget.
Dagdag pa ng Aspin Academy, ilang ulit na rin silang lumapit sa lokal na pamahalaan ngunit hindi pa rin natutugunan ang kanilang panawagan.
Sa kabila ng planong pagsasara ng pasilidad, nananatili ang misyon ng grupo na makahanap ng permanenteng tahanan para sa mga alagang aso.
Ayon sa kanila, mula pa sa simula ay bukas para sa adoption ang lahat ng kanilang rescues, at hindi layunin na manatili ang mga ito sa loob ng shelter habambuhay.
Habang hindi pa tuluyang nagsasara ang pasilidad, patuloy pa ring nangangailangan ng pagkain, gamot, at pang-araw-araw na suporta ang mga aso.
Panawagan ng grupo sa publiko, mag-adopt kung kaya, mag-donate kung hindi, o mag-volunteer kung may oras at kung wala man, ang simpleng pag-share ng kanilang panawagan ay malaking tulong na.
Sa kasalukuyan, halos namamalimos na rin umano sila ng suporta para mapanatiling buhay at maayos ang kondisyon ng mga alaga habang patuloy na naghihintay ng bagong pamilya.
(NILOU DEL CARMEN)
75 