MANANATILI ang boxing event sa Olympic Games sa 2020 edition sa Tokyo.
Pero, inirekomenda ng International Olympic Committee (IOC) na i-itsapwera ang AIBA, ang amateur boxing governing body, sa pag-oorganisa nito sa quadrennial meet.
Ang rekomendasyon ng IOC ay resulta ng isang buwang pag-iimbestiga sa mga sumbong ng katiwalian laban sa AIBA (International Boxing Association).
Sa pag-iitsapwera sa AIBA sa Tokyo Games, siniguro ng IOC na ang mga atletang boksingero ay makaaasa nang maayos at patas na resulta.
“Athletes can live their dream and participate in the Olympic Games, while making sure AIBA faced the necessary consequences,” nakasaad sa pahayag ni IOC president Thomas Bach.
Samut-saring reklamo ang kinakaharap ng AIBA na nakasentro sa ‘finances, governance at ethics, maging sa anti-doping, refereeing at judging.’
Ani Bach, hindi nakumbinsi ang IOC sa isinasagawang solusyon ng AIBA sa pagresolba ng krisis sa organisasyon.
Itinatag noong 1946, ang AIBA ang nagpapatupad sa regulasyon ng amateur boxing at saksi sa mga mahahalagang kaganapan, lalo na sa Olympics, partikular ang 1960 gold medal win sa Rome ni Muhammad Ali, noo’y kilala bilang si Cassius Clay.
Pero, nabahiran ang reputasyon ng AIBA sa magkakasunod na krisis, na pawang may kinalaman sa korapsyon.
Isang internal investigation ang isinagawa ng AIBA na lalong nagpataas sa pagdududa sa kridibilidad nito hinggil sa judging sa Rio Olympics.
Kaugnay ng Tokyo Olympics, nagtatag ang IOC ng special taskforce na pamumunuan ni Morinari Watanabe ng Japanese Olympic Committee para siyang mag-organisa ng qualifiers at ng Tokyo competition.
Siniguro ni Bach sa mga boksingero na magkakaroon ng: “Fair competition in which all the athletes have equal and fair chances.”
120