SUNDALO, 3 NPA PATAY SA SAGUPAAN SA SULTAN KUDARAT

PATAY ang tatlong miyembro ng communist terrorist group habang isang sundalo ang nagbuwis ng buhay sa matinding militay operation sa Barangay Datu Ito Andong, Kalamansig, Sultan Kudarat pasado alas-12:00 ng madaling araw noong Huwebes, Hunyo 19, 2025.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, Battalion Commander ng 37th Infantry (Conqueror) Battalion, nagsasagawa ng decisive military operations ang kanilang tropa nang makasagupa ang armadong mga elemento ng communist New People’s Army sa ilalim ng pamumuno ni Eusivio Cranzo alyas “Agaw/Brix”.

Umabot sa mahigit isang oras ang palitan ng putok, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong kalaban ng estado na may kinahaharap na sari-saring mga kaso kabilang na rito ang Criminal Case Nr 4670-2018 (Attempted Murder); Criminal Case Nr 4671- 2018 (Frustrated Murder); Criminal Case Nr 2292 (Attempted Murder); Criminal Case Nr 4668 -2018 (Attempted Murder); at Criminal Case Nr 4669 -2018 (Murder).

Tatlong M16 rifles, mga magasin, mga bala at mga personal na gamit ng mga komunistang terorista ang narekober ng tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng sagupaan.

Habang sa kasawiang palad ay isang sundalo naman ang nagpamalas ng kabayanihan at nag-alay ng sariling buhay para sa pagtatanggol sa bayan at upang maprotektahan ang mga sibilyan laban sa teroristang grupo.

Agad na inatasan ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, ang kanyang mga yunit na lalo pang paigtingin ang pagtugis sa natitirang mga miyembro ng komunistang teroristang grupo upang mapanatili ang seguridad sa lalawigan.

“Nakikiramay kami sa pamilya ng ating bayaning sundalo na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan at seguridad ng ating mga kababayan. Gayundin, bilang mga kapwa Pilipino, bibigyan natin ng disenteng libing ang mga nasawing rebelde bilang tanda ng ating paggalang sa karapatang pantao, sa kabila ng kanilang pagkaligaw ng landas,” ani Brig. Gen. Santos.

Samantala, sa isang pahayag, labis ang pagdadalamhati ni Major General Donald M. Gumiran, commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at ng Joint Task Force Central, sa insidente.

“Lubos naming ikinalulungkot ang pangyayaring ito. Bagama’t magkaibang panig, kapwa Pilipino ang nasawi at nagbubuwis ng buhay. Nananawagan kami sa natitirang mga kasapi ng armadong kilusan—ibaba na ninyo ang inyong mga armas at makiisa sa kapayapaan. Bukas ang ating gobyerno sa mga nais magbagong-buhay,” pahayag ni Maj. Gen. Gumiran.

Nagpapatuloy ang operasyon ng militar sa lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan at ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

(JESSE KABEL RUIZ)

13

Related posts

Leave a Comment