BATANGAS – Natimbog ng mga awtoridad ang isang lalaki na may 74 na kaso ng qualified theft at nakatala bilang regional level most wanted persons ng Calabarzon, sa operasyon sa bayan ng Rosario sa lalawigan noong Miyerkoles ng umaga.
Batay sa report ng PRO 4A police, sa bisa ng warrant of arrest mula sa RTC-Rosario, dinakma ng mga tauhan ng Rosario Police at ng operatiba ng Regional Intelligence Unit 4A at Batangas Provincial Intelligence Team, ang suspek na si alyas “Prince” sa kanyang bahay sa Barangay Namunga.
Base sa warrant of arrests, 74 na kaso ng qualified theft ang haharapin ng suspek, na may inirekomendang piyansa na umaabot sa P1,752,000. para sa pansamantalang niyang paglaya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Rosario Police ang suspek habang inaasikaso ang mga kinakailangang legal na proseso.
Ayon kay PBGen Jack L. Wanky, Acting Regional Director ng PRO CALABARZON, ang pagkakaaresto kay alyas “Prince” ay nagpapatunay na walang ligtas na kanlungan ang mga nagtatago sa batas.
(NILOU DEL CARMEN)
