Misis at anak idinamay BUNSO PINATAY SA TAGA NI KUYA DAHIL SA SELOS

DAVAO CITY – Patay ang isang 34-anyos na lalaki habang sugatan naman ang kanyang asawa at 11 buwan gulang na anak nang pagtatagain sila ng nakatatandang kapatid ng una sa Brgy. Wangan, Calinan District sa lungsod noong Linggo ng madaling araw.

Halos hindi na umano makilala ang mukha ng biktima matapos tagain nang paulit-ulit ng mismong kuya dahil sa selos.

Kinilala ng Davao City Police ang biktimang si alyas “Jing”, 34, habang agad ding nadakip ang suspek na si alyas “Jan,” 39, nakatatandang kapatid nito. sa isinagawang follow-up operation ng Davao City PNP.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa pagamutan ang asawa ng biktima at ang kanilang 11 buwang gulang na anak na idinamay ng suspek dahil sa matinding galit at selos.

Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, magkasamang nag-inuman ang magkapatid, ngunit nalaman umano ng suspek na may relasyon ang kanyang misis at kanyang nakababatang kapatid.

Bunsod nito, sinugod umano ng suspek sa bahay ang kapatid nito at pinagtataga pati ang pamilya nitong natutulog.

Nakatakdang sampahan ng kasong murder at frustrated murder ang suspek. (JESSE RUIZ)

35

Related posts

Leave a Comment