9 nag-suicide sa pagkabaon sa utang PAOCC PABOR SA TOTAL BAN SA ONLINE GAMBLING, LENDING

PABOR ang Presidential Anti-Organized Crime Commission sa total ban sa lahat ng uri online gambling at pagsawata rin sa online lending na pinaniniwalaang produkto ng mga winawasak na POGO operation.

Sinisira umano ng dalawang online apps ang moral fiber ng maraming Pilipino, winawasak ang kanilang pagkatao at hindi gaya ng mga krimen na resulta ng POGO, kapwa pawang mga Filipino ang direktang apektado ng magkapatid na online lending at online gambling na parehong salot sa lipunan.

Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, bukod sa online gambling, dapat iwasan ng publiko ang paggamit ng “digital lending application” dahil sa patuloy na tumataas na bilang ng harassment cases na inihahain ng mga borrower laban sa mga online lender.

Lubha na umanong naka-aalarma ang epekto ng magkapatid na online gambling at online lending sa maraming Pilipino, babala ni PAOCC Executive Director Gilberto Cruz, na panauhin sa monthly news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association o MACHRA.

Batay sa data ng PNP at iba pang cybercrime units, sinabi ni Cruz na nakapagtala sila ng 156,000 complaints ng online scams, online crimes at online selling scams bawat buwan.

Sa ngayon hawak ng PAOCC ang 15,000 kaso ng mga biktima ng online lending applications. Aniya dito ay gumagamit ng “keyboard warriors” ang mga lender upang i-harass at takutin ang mga biktima na karamihan ay mga Filipino, habang ang mastermind sa operasyon ay mga dayuhan.

Nabatid pa na bukod sa maraming Pinoy ang nasira ang reputasyon dahil sa online lending ay may mga record na rin umano ang PAOCC ng mga nagpakamatay dahil hindi nakayanan ang ginagawa sa kanila ng online lenders.

Sinasabing matapos ang isang linggo na mapahiram ng pera, maniningil na ito at kung bigong makapagbayad ang biktima ay haharassin gamit ang personal accounts nila sa Facebook at iba pang social media platforms, gagamitin ang mga larawan na naka-post at contacts para tawagan ang co-workers, kapamilya at mga kaibigan.

Dahil dito, sinabi ni Cruz na nakapagtala sila ng siyam na insidente ng suicide dahil sa kahihiyan at kawalan ng pera. Mayroon din aniyang initial findings na may ilan ding kaso na OFW ang mga biktima na nasimot ang savings sa online gambling at nakahiram ng pera sa online lending apps.

Sinabi ng opisyal sa publiko na maaaring isumite ang hinaing sa onlinelendingcomplaints2025@gmail.com at isumbong ang mga ilegal na aktibidad mula sa online lending app.

(JESSE RUIZ)

339

Related posts

Leave a Comment