CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMING narinig mula kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang ikaapat na SONA.
Kasing dami ng mga gustong marinig ng mga tao ang hindi binanggit ng Pangulo.
Mula sa mahiya naman kayo, na umani ng maugong na palakpakan at nagtayuan pa ang mga nasa gallery, naging nostalgic ang Pangulo.
Teka muna, napuruhan malamang ‘yung ibang tumayo at pumalakpak pero tuloy sa pagpapanggap na malinis ang konsensya.
‘Di bale, dito tayo sa love bus para sariwain din natin ang alaala ng lumipas.
Naalala n’yo rin ba ang The Love Bug? ‘Yun ang pelikula ng pakikipagsapalaran ng may damdaming Volkswagen Beetle na pinangalang Herbie.
‘Yun daw ang inspirasyon ng Love Bus, na inilunsad ng Metro Manila Transit Corp. (MMTC) noong Enero 26, 1976. Iyon ang unang air-conditioned bus na pampubliko sa Pilipinas.
May pinturang blue at pinalamutian ng mga pulang puso, ang Love Bus ay naging simbolo ng mabikas at komportableng biyahe noon.
Nagtanong si PBBM kung naalala natin ang tinatawag na Love Bus. Sariwa ‘yun sa kanyang alaala dahil panahon ng kanyang kabataan nang ipalabas sa bansa ang Hollywood movie na The Love Bus, at binata na siya nang ilunsad ang Love Bus, na proyekto ng kanyang inang si dating first lady Imelda Marcos.
Siguro kayo rin ay maraming narinig na mga nakatutuwang kwento tungkol sa Love Bus.
Naalala ko sa isang libro noong high school ay nabanggit rin ito sa kwento ng manunulat at makata na si Lamberto E. Antonio, na aking mentor sa pagsusulat.
Isa sa nakatutuwa ay ang balita raw noon na may buntis na sumakay at sa bus nanganak kaya yung bata ay Anak sa Love Bus.
Tama na muna flashback. Dito na tayo sa pagdating ng panahon.
Muling bibiyahe sa mga lansangan ang Love Bus bago matapos ang 2025.
Ibabalik at gagawing libre.
Ayon sa Pangulo, ito ay magsisimula sa Davao at Cebu, at susunod ang ibang lugar sa Visayas at Mindanao.
Ayan, balik-tanaw na, magiging moderno ang transport at libre pa.
Ano magiging implikasyon ng LB sa mga biyahe ng pribadong sasakyan?
Natural, dun na ang publiko sa libre. At hindi rin pwedeng hintuan ang mga pumaparang pasahero dahil kung susundin ang dating gawi ng LB noon ay may oras ng pag-alis sa mga pinagmulang terminal.
Pero sa sikip ng trapiko, hindi kaya magkaaberya ang puntiryang lawig ng sasakyan patungo sa destinasyon?
Hanggang kelan kakayanin ng subsidy lalo kapag sa buong bansa na ang ruta ng LB.
Maraming pera ang Pinas kaya mapopondohan ito. Ang kailangan lang ay tiyaking sa programa napupunta at hindi sa bulsa ng masisibang ‘buwaya’.
Sabagay, baka nga itong nostalgia ay susi sa ginhawa ng publiko.
Kaya itong LB at iba pang pangako ni PBBM sa SONA, ipagdasal nating hindi maging SANA.
201 