SUPERVISOR NG AHENSYA SA RIYADH, ISINUSUMBONG NG OFW

 OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

ISANG overseas Filipino worker (OFW) ang lumapit sa OFW JUAN upang isiwalat ang umano’y hindi makataong pamamaraan ng isang Foreign Recruitment Agency (FRA) sa Riyadh, Saudi Arabia. Ayon sa ipinarating na sumbong, ang nasabing ahensya na kilala bilang SARAYA ALRIYADH RECRUITMENT OFFICE, ay may supervisor na walang habas kung manakit ng kapwa Pilipino at maging ng ibang lahi.

Batay sa sumbong ng OFW, ang supervisor umano, na isa ring Pilipino, ay gumagamit ng impluwensya upang takutin ang mga manggagawa. “Malakas daw ang kapit nito sa mga makapangyarihang tao,” ayon sa OFW, dahilan kung bakit tila walang pakundangan ang pananakit nito sa loob mismo ng kanilang accommodation.

Ayon pa sa nakalap na impormasyon, hindi lamang mga Pilipino ang nagiging biktima ng kalupitan ng supervisor, kundi pati na rin ang mga manggagawa mula sa ibang lahi.

Dahil dito, nananawagan ang OFW JUAN sa mga kinauukulan, partikular sa Migrant Workers Office (MWO) Riyadh, Department of Migrant Workers (DMW), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na imbestigahan ang nasabing sumbong.

Hustisya para sa mga OFW

Sa kasalukuyan, ang nagreklamong OFW ay nakauwi na sa Pilipinas matapos maranasan ang sinasabing karahasan. Gayunpaman, nananatili ang pangamba nito para sa mga kasamahang naiwan at patuloy na nararanasan ang umano’y pang-aabuso.

“Hindi lang para sa akin ang laban na ito. Para ito sa lahat ng mga natatakot magsalita,” dagdag ng OFW.

Hinikayat ng OFW JUAN ang iba pang mga biktima na magpakatatag at makipag-ugnayan sa kanila upang mas lalo pang lumakas ang kanilang panawagan sa mga awtoridad.

“Hindi dapat palampasin ang ganitong uri ng karahasan laban sa mga OFW,” pahayag ng OFW JUAN. “Dapat managot ang mga nasa likod nito at masiguro ang proteksyon ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat.”

190

Related posts

Leave a Comment