SIMULA nitong Huwebes ng hatinggabi, nag-umpisa nang pairalin ng Commission on Election ang total gun ban sa mga lugar na saklaw ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao kaugnay sa gaganaping October 13 Bangsamoro parliamentary election.
Kasabay nito, naglatag na rin ng mga checkpoint ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine sa estratehikong mga lugar partikular sa entry points papasok ng Cotabato City.
Ang pagpapairal ng total gun ban ay kasabay sa pagsisimula ng election period para sa gaganaping Bangsamoro parliamentary poll na nagsimula noong Huwebes, Agosto 14, 2025.
Ayon kay Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, regional director ng Police Regional Office in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BAR), nitong Huwebes sa pagsisimula ng election period ay minobilisa na nina Cotabato City Police Director Colonel Jibin Bongcayao, Marine Colonel Romulo Dimayuga ng First Marine Brigade, at Atty. Mohammad Nabil Mutia ang kanilang security forces para sa pagsisimula ng checkpoint .
“This is part of the preparation for the October 13 parliamentary election,” ani Gen De Guzman. “We would like to ensure that the election is peaceful.”
Bukod sa paghahanda sa peace and order, pagkakalooban din ng security details ang elections officers sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) lalo na ‘yung mga may nararamdamang banta habang gumaganap sa kanilang mga tungkulin.
Nabatid na sumasailalim na ngayon sa threat assessment ng PNP ang mga opisyales ng BARMM na nagpahayag na may mga banta sa kanilang buhay.
Kaugnay nito, pansamantalang sinuspinde ang lahat ng Permit to carry firearms Outside Residence maliban lamang doon sa mga inisyuhan ng gun ban exemption ng COMELEC.
“Carrying of firearms, explosives, and deadly weapons is strictly prohibited during the election period, which starts on August 14 and will last until October 28,” babala ng PNP at AFP.
Saklaw ng gun ban ang mga indibidwal, mga negosyante na may private security, maliban lamang kung nakakuha sila ng gun ban exemptions mula sa Komisyon.
“This activity aims to maintain peace and order in preparation for the upcoming BARMM elections while also enhancing police operational management and supporting the anti-criminality campaign,” dagdag pa ni De Guzman.
Sakop ng BARMM ang mga lalawigan ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, at Tawi-Tawi, maging ng lungsod ng Cotabato, Marawi, at Lamitan, at 63 barangay sa walong bagong bayan ng BARMM, na tinatawag na Special Geographic Areas (SGAs).
Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, pangunahing layunin ng gun ban ay masawata ang posibleng mga karahasang na may kaugnayan sa halalan sa rehiyon na magkakaroon ng kauna-unahang parliamentary elections sa darating na Oktubre 13.
(JESSE RUIZ)
150 