BUKOD sa parang ginagawang lotto umano ang pagbibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng medical assistance ay nagmumukhang pulubi ang mga humihingi ng tulong para mabawasan ang kanilang hospital bills.
Ganito inilarawan ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang pagtulong umano ng PCSO sa mga kababayan na nangangailangan para pambayad ng hospital bills ng kanilang mga kaanak.
“Parang ginagawang lotto ang pagkuha ng medical assistance sa PCSO. Bukod sa palaging nagcra-crash ang site, dapat eksaktong 8 AM mag-log in, dahil 8 AM mags-start ang online queue. Not before, not after, but exactly 8 AM. Nalingat ka lang, na-reach na pala ang daily limit for applications,” ani Rep. Cendaña.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa budget briefing ng PCSO kasabay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na tila kinuyog ng mga kongresista dahil sa online gambling.
Ayon sa mambabatas, palala nang palala ang problema ng PCSO sa kanilang online portal para sa medical assistance program (MAP) at pahirap nang pahirap ang pinagdaraanan ng mga tao bago makakuha ng tulong.
Isa sa problemang tinukoy ng mambabatas ang palagiang pag-crash ng kanilang online portal at limitadong pagtanggap ng online application.
“The PCSO has to increase its capacity to take in applications. Kita naman ito sa dami ng naglolog-in sa website nila. Napakaraming kababayan natin ang nangangailangan ng medical assistance,” mungkahi ng mambabatas.
“Paano naman yung mahina o walang internet? E di ang bagsak ng mga kababayan natin, sa napakahabang pila on-site? Kung sino pa ang pinakanangangailangan ng mabilis na tulong, sila pa ang pinakanahihirapang kumuha nito,” dagdag pa nito.
Hindi aniya ito makatarungan lalo na’t hindi lang ang mga taga-Metro Manila ang nangangailangan ng tulong pinansyal para mabawasan kahit papaano ang kanilang bayarin sa pagamutan kapag may nagkakasakit sa kanilang pamilya.
Iginiit din nito na kailangang ireporma na ang mga sistema ng kalusugan sa bansa upang hindi na kailangang pumila pa at magmakaawa ang mga tao para mabigyan ang mga ito ng tulong.
“Sa dulo, kailangan ireporma ang ating health system para di na kailangan pumila o manlimos ang mga pasyente ng assistance. Pero habang tinatrabaho natin ‘yan, PCSO, ayusin niyo naman ang inyong trabaho,” ayon pa sa kongresista.
(BERNARD TAGUINOD)
202 