HINDI mangingiming tanggalin bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga kongresista na mapatutunayang sangkot sa anomalya sa flood control projects.
Ito ang tiniyak ni Manila Rep. Rolando Valeriano sa press conference kahapon dahil hindi umano biro ang mga naungkat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na anomalya sa naturang proyekto na kung hindi substandard ang pagkakagawa ay ghost project pa.
“Nagtanggal na ho kami ng isang kasama namin na Congressman. I don’t see any reason kung bakit….kung talagang dapat matanggal why not,” pahayag ni Valeriano na ang tinutukoy ay si dating Negros Occidental rep. Arnulfo Teves.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may mga kongresista na nadadawit sa anomalya sa flood control projects subalit hindi direktang pinapangalanan ang mga ito maliban sa kanilang itinatag na construction firms.
Sa susunod na dalawang linggo ay posibleng simulan na umano ang imbestigasyon ng Tri-Committee na kinabibilangan ng House committees public account, good government and public accountability at public works.
“We will file charges against them. Hindi naman nagpo-prosecute ang Congress. Gagawa kami ng resolusyon to file charges against them. Wala pong sasantuhin ang Kongreso whether member siya o hindi member basta nagkamali ka,” sagot ni Valeriano nang tanungin kung ano ang gagawin ng liderato ng Kamara sakaling mapatunayang sangkot nga ang mga inaakusahang mambabatas.
“Naniniwala po ako sa ganung sistema. Ako nasa ikatlong termino na eh, at nakita mo naman walang kinikilingan ho yung Kongreso. Walang dapat itago sa taumbayan,” dagdag pa ng mambabatas na chairman ng House committee on public order and security.
Dapat Mag-Inhibit
Samantala, inaasahan ni Valeriano na mag-iinhibit ang mga nadadawit na Kongresista sa isasagawang imbestigasyon subalit hindi nito isinasantabi na imbitahin ang mga ito lalo na kung mapatunayan na wala silang kasalanan.
“Mag-iinhibit sila doon sa panel of investigator pero sa pag-imbita wala naman sigurong masama doon. Halimbawa, makikita naman natin sa imbestigasyon kung sila ay totoong may kinalaman pero kung wala naman, at least malinis naman nila ang pangalan nila kaagad kasi mabigat ang akusasyon sa privilege speech na ginawa. Wala kang kalaban-laban doon,” paliwanag ni Valeriano.
Ang tinutukoy nito ay ang privilege speech ni Sen. Panfilo Lacson ukol sa flood control project sa distrito ni Oriental Mindoro Rep. Arnan Panaligan na bunga umano ng insertions na ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Agad namang pinabulaanan ni Panaligan na siya ang nagsingit ng pondo sa kanyang distrito dahil kasama na umano ito sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Malacanang sa Kamara at itinanggi na may kinalaman siya sa pagpapatupad sa kontrobersyal na proyekto.
(BERNARD TAGUINOD)
147 