HINDI lamang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa ilalim ng Executive Department and dapat isailalim sa lifestyle check kundi maging Kongreso at sa Hudikatura.
Ginawa nina House committee on public account chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon at House committee on human rights chairman Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ang mungkahi sa gitna ng ipinag-utos ng Pangulo na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno.
“I think wala namang problema na magkaroon ng lifestyle check sa mga miyembro ng Kongreso, kahit na Hudikatura,” ani Ridon kahit may mga mambabatas na nadadawit sa flood control scandal.
“Meron talagang mga expectation on all government officials, on all government employees na talaga namang dapat we should lead and live modest life so I think more important yan na hindi lang ho mag-target for example DPWH but on each and every agency but on each and every political branch of government,” dagdag pa nito.
Ipinag-utos ni Marcos ang lifestyle check matapos matuklasan ang ghost at substandard projects na ginawa ng DPWH kung saan may mga District Engineers ang nabuko na nagsusuot ng mamahaling relo at damit.
“Ako I’m in favor for that. Kung nais ng Pangulo na sinoman sa DPWH well and good. Pero kinakailangan lahat, lahat po yan pati Judiciary. Lahat na kailangang magkaroon ng lifestyle check,” ayon naman kay Abante.
Samantala, umaasa si Ridon na ang susunod na Ombudsman ay muling isasapubliko ang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng lahat ng opisyales at empleyado ng gobyerno kasama na ang pangulo at pangalawang pangulo.
Magugunita na binara ni dating Ombudsman Samuel Martires ang paglalabas ng SALN noong nakaraang administrasyon subalit ayon kay Ridon, hindi na kailangang gumawa ng bagong batas para rito dahil taon-taon ay inoobliga ang lahat na magsumite ng kanilang SALN.
Mahalaga aniya ang SALN sa lifestyle check sa government officials lalo na ang mga pinaghihinalaang sangkot sa katiwalian.
(BERNARD TAGUINOD)
