Imbestigasyon sa flood control anomalies PALABAS LANG NG MARCOS ADMIN – VP SARA

PARA kay Vice President Sara Duterte, palabas lang ng Marcos administration ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects.

Kaya naman wala aniya siyang planong magbigay ng suhestyon o payo hinggil sa mga katiwalian sa government projects.

Sa ambush interview sa The Hague, The Netherlands, sinabi ni Duterte na hindi lang flood control projects ang nababalot ng katiwalian.

Inulit din niya ang dati nang akusasyon na nakikinabang ang ilang kongresista sa proyekto kahit sa pondo ng Department of Education (DepEd).

Noong siya aniya ang kalihim ng kagawaran, natuklasan niya na naghahatian ang ilang kongresista sa pondo ng DepEd para sa pagpapatayo ng school buildings.

Kinuwestiyon na niya anya ito at nasilip din ito noon ng Senado pero naging tahimik lamang ang administrasyon.

Hinamon din niya ang administrasyong Marcos na imbestigahan ang budget ng pamahalaan noong 2024 at ngayong 2025 kung talagang seryoso ito sa pagsilip sa mga katiwalian sa gobyerno.

Asan Ebidensya?

Bilang tugon, sinabi ng isang mambabatas sa Kamara na kailangang maglabas ng ebidensya si Duterte sa kanyang alegasyon na pinaghati-hatian ng mga kongresista ang School Building Program budget ng DepEd.

Sa press conference kahapon, sinabi ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na dapat maglabas ng ebidensya ang Pangalawang Pangulo para maimbestigahan ng oversight committee ng Kongreso.

“I mean hindi naman pwedeng bigla kang magsasalita in a general term na wala ka namang ipo-produce na mga ebidensya. We’d like some evidences to be shown, di ba,” ani Abante.

Ayon naman kay House committee on public accounts chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, hindi lamang flood control projects ang iimbestigahan ng Tri-Infra Committee kundi lahat ng proyekto ng gobyerno na ipinatupad, hindi lamang ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kundi ng lahat ng ahensya ng gobyerno.

“Actually very important ho yung binabanggit niya dapat ho all and compassing no, yun pong review ng all infrastructure projects. And very important din po na talaga hong hindi lang tayo limited,” ani Ridon.

Sa September 2 ay sisimulan na aniya ang pormal na imbestigasyon ng nasabing komite na kinabibilangan ng committees on public works, good government and public accountability at public accounts.

Bagama’t sisimulan ang imbestigasyon sa mga flood control project sa Bulacan at Benguet na binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at natuklasan na bukod sa ghost projects ay substandard ang pagkakagawa ng ilang proyekto, susuyurin umano ng mga ito ang lahat ng proyekto mula Luzon hanggang Mindanao.

Kasama sa iimbestigahan ang iba pang infrastructure projects, kalsada man ito, tulay, gusali at iba pa na inimplementa ng lahat ng ahensya ng gobyerno, hindi lamang ngayong administrasyon kundi sa nakaraan.

“In fact, I think the mandate of the infrastructure committee is not naman just po on flood control projects no. It includes all infrastructure projects and more importantly it includes a very expanded timeline,” ani Ridon.

“So ibig sabihin, if you are able to find projects that have been ghosted, projects that are substandard at any time, but what’s implemented by any government we will do it. So kasama po yan mga binabanggit na mga school buildings, even roads and bridges po basta inimplement po DPWH or whichever agency of government,” ani Ridon.

(BERNARD TAGUINOD)

70

Related posts

Leave a Comment