(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
PAGSUSUMITEHIN ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ng courtesy resignation ang lahat ng opisyal ng ahensya.
Ayon kay Dizon, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng “clean sweep” upang simulan ang paglilinis sa DPWH mula sa katiwalian at iregularidad.
Saklaw ng courtesy resignation ang mga undersecretaries, assistant secretaries, division heads, at district engineers. Kasunod nito, isasagawa ang masusing personnel review upang matukoy kung sino ang mananatili at sino ang tuluyang aalisin sa puwesto.
Tiniyak ng kalihim na ang hakbang ay para masiguro na ang mga natitirang opisyal ay may integridad at kakayahang magpatupad ng mga proyekto nang tapat at epektibo.
Lifetime Blacklisting
Ipatutupad din ang lifetime blacklisting laban sa lahat ng kontraktor na mapatutunayang sangkot sa ghost projects at substandard projects.
“Wala nang imbestigasyon at proseso rito. Awtomatikong pagbabawalan habambuhay ang mga kontraktor na napatunayang sangkot sa katiwalian,” giit ng bagong kalihim ng DPWH.
Bukod sa habambuhay na ban, tiniyak din ni Dizon na isasampa ang mga kaukulang kaso laban sa mga opisyal ng DPWH at pribadong kontraktor. Agad ding ipapasa ang ebidensiya sa independent commission na binuo ni Pangulong Marcos Jr. para sa mas malalim na imbestigasyon.
Paghahanap ng Tapat na Kawani
Sa kabila ng mga kontrobersiya, naniniwala si Dizon na marami pa ring matitino at magagaling na kawani sa DPWH.
Aniya, inatasan siya ng Pangulo na tukuyin ang mga tapat at ilagay sila sa sensitibo at kritikal na posisyon upang masiguro ang maayos na pagpapatakbo ng ahensya.
Nilinaw ng kalihim na hindi layunin ng reporma na ubusin ang mga kawani, kundi alisin lamang ang mga sangkot sa katiwalian. Mananatili sa tungkulin ang mga opisyal hangga’t hindi tinatanggap ang kanilang pagbibitiw, dahil maaari silang masampahan ng kasong “abandonment of duties” kung basta aalis.
Pagbabago rin sa PCAB
Idinagdag ni Dizon ang pagsasagawa ng malawakang pagbabago sa loob ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
Inanunsyo ito ni Dizon sa press briefing sa Malakanyang matapos ang kanyang oath taking sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Lunes.
Nauna rito, sinabi ni Senador Panfilo Lacson na may isang kontratista ang ginatasan di umano ng PCAB ng P7 milyon kapalit ng accreditation ng kanyang construction firm.
Ani Lacson, ang kontratista ay kabilang sa Top 15 contractor na pinangalanan ni Pangulong Marcos na sumungkit ng P100 bilyong flood control project mula 2022 hanggang 2025.
Hindi maalala ng senador kung anong taon ito nangyari pero madali lang itong maberipika sa PCAB.
“‘Yung isang contractor, ‘yung unang-unang accreditation niya, P7 million ang binayad niya,” paglalahad ni Lacson sa isang radio interview nitong Linggo.
Nakatisod din ng impormasyon si Lacson na isa pang contractor ang kinikilan ng PCAB nang magkaroon naman ng problema sa construction company.
“Meron namang isang nagkaproblema, nakipag-settle sa PCAB, hiningan naman ng milyon din. ‘Yan extortion talaga iyon kasi bina-blackmail. Nag-cough-up talaga ang contractor kasi nagkaroon siya ng kaunting problema at gusto niyang i-settle. Tinakot siya at (sinabihang) ‘di ma-renew ang lisensiya mo,” dagdag ng senador.
Nauna rito ay sinabi ni Lacson sa speech sa Senado na binebenta ng P2 milyon ang accreditation sa PCAB pero sa bago niyang natuklasan ay kinikikilan din pala ang mga contractor na may problema.
Wala pang pahayag ang PCAB sa bagong pasabog ni Lacson pero dati na nilang itinanggi na mayroong accreditation for sale sa board.
Solons kay Dizon:
Tanggalin ang May Dungis
Nanawagan naman si Antipolo City Rep. Ronaldo Puno kay Dizon na tanggalin ang lahat ng opisyal ng DPWH na may papel sa anomalya, partikular sa budget implementation ng mga flood control projects.
Ayon kay Puno, kahit protektado ng Civil Service law, maaaring tanggalin ang mga sangkot sa pamamagitan ng administrative cases.
“Even a hint of suspicion of involvement on these things should be removed themselves from this process and if not, the secretary should remove them. Start fresh. Kasi kailangang we have to earn back the trust of our people. In a very justified way our people are very much, now completely disgusted with the way things are going on there,” paliwanag pa ni Puno.
De Lima: Huwag Lang PR
Hinimok naman ni Rep. Leila de Lima (Mamamayang Liberal Party-list) ang mga opisyal ng DPWH na sangkot sa anomalya na kusang magbitiw. Aniya, dapat ding may managot at makulong sa mga nagsabwatan.
“People are watching. Pagod na ang taumbayan sa paulit-ulit na pandarambong. Hindi uubra ang PR lang dito,” diin ng mambabatas.
Suporta mula sa Senado
Ipinahayag ng ilang senador ang suporta kay Dizon, kasabay ng pagkilala sa bigat ng hamon sa kanyang bagong tungkulin.
Sinabi ni Senate President Chiz Escudero na oportunidad ito para ipatupad ang long-overdue reforms sa ahensya. Umaasa rin sina Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, Sen. Sherwin Gatchalian, Sen. Ping Lacson, at Sen. Erwin Tulfo na magagampanan ni Dizon ang mandato laban sa katiwalian.
Dagdag pa ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, magagamit ni Dizon ang kanyang “no-nonsense approach” upang isulong ang transparency sa DPWH.
Nanghihinayang naman si Estrada na lilisanin ni nagbitiw na si Secretary Manny Bonoan ang kanyang posisyon sa gitna ng mga isyu sa kwestyonableng proyekto gayung ang karanasan nya ay mahalagang bahagi ng pagbabantay sa critical infrastructure projects.
Itinuturing naman ni Senador Panfilo Ping Lacson na mahirap ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. subalit good choice anya si Dizon para palitan ang DPWH secretary.
(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
