GOBYERNO NAWALAN NG HANGGANG P118.5-B SA GHOST PROJECTS

KINUMPIRMA ni Finance Secretary Ralph Recto na nawalan ang gobyerno ng tinatayang P42.3 bilyon hanggang P118.5 bilyon mula 2023 hanggang 2025 dahil sa ghost projects na hindi naman naipatupad.

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee kaugnay sa 2026 National Expenditure Program, sinabi ni Recto na katumbas ito ng 95,000 hanggang 266,000 na trabaho na dapat ay napakinabangan ng mga Pilipino.

Kaya naman kasabay ng pagkondena sa mga anomalya sa flood control projects, nagpahayag ng pagsuporta si Recto sa hakbang ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na tutukang mabuti ang paghimay sa 2026 national budget.

Dapat anyang matiyak na walang ghost projects, walang korupsyon at walang masasayang na piso sa 2026 national budget.

Sa pagbalangkas anya ng national expenditure program, dalawang polisiya ang ipinatutupad ng ahensya.

Una na rito ang pagkalkula ng mabuti sa revenue target at pagdiin na ang paggastos ay hindi open bar na walang limit at ikalawa, tiyaking maayos ang paggastos ng buwis ng gobyerno.

(DANG SAMSON-GARCIA)

111

Related posts

Leave a Comment