DPA ni BERNARD TAGUINOD
HINDI dapat ipilit ng mga senador at mga congressman ang kanilang imbestigasyon sa flood control projects dahil pagdududahan lang ito ng taumbayan na pagod na at galit na sa malawakang katiwalian at pagbubulsa lang sa pera ng bayan imbes na proteksyunan sila sa baha.
Hindi pa kasi nagsisimula ang imbestigasyon ay tila inaabsuwelto na ng ilang mambabatas ang kanilang institusyon na kesyo government projects daw ang mga natuklasang substandard at ghost projects na flood control.
Parang iniinsulto nila ang mga Pinoy dahil taon-taon ay pinagsusumite ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga district congressman ng mga proyekto na gusto nilang ipatupad sa kanilang distrito.
Ganito rin ang ipinagagawa sa party-list congressmen at senador na nationwide ang kanilang saklaw at mula sa kanilang proposed projects ay makabubuo ang DBM ng National Expenditure Program (NEP).
Nangyayari ang pasahan ng proposed projects sa unang bahagi ng taon, karaniwan ay Enero hanggang Pebrero dahil pagdating ng Hunyo ay dapat matapos ang NEP na siyang isusumite naman ng DBM sa Kongreso.
Kaya nga maraming local officials ang nagla-lobby sa mga senador na kunwari ay magko-courtesy call pero may bitbit na mga folder na naglalaman ng proposed projects na gusto nilang maipatupad sa kanilang nasasakupang bayan o probinsya.
Ngayon sasabihin ng isang mag-iimbestigang mambabatas sa anomalya sa flood control projects, na nasa NEP ang mga proyektong iyan kaya walang kinalaman diyan ang congressman, eh hinihingian nga sila ng proposed projects sa kanilang lugar eh.
Marami namang gahamang mambabatas na hindi kontento sa kanilang isinumiteng proposed projects at magsisingit pa ‘yan ng iba pa para lalong lumaki ang kanilang pondo pagdating sa Bicameral Conference Committee.
Ang masaklap, construction companies ng kanilang pamilya ang magpapatupad ng mga proyekto nila o kaya mga kaibigan nilang kontraktor, kaya papaano magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa anomalyang ito?
Talagang pagdududahan ang imbestigasyong ito kaya dapat mahiya ang mga congressman at mga senador na ipinipilit na sila ang mag-imbestiga at saka wala namang ‘power to prosecute’ ang mga iyan eh. Nang-iinsulto lang naman sila eh.
Dapat independent commission na may ‘power to prosecute’ ang magsagawa ng imbestigasyon para maging kapani-paniwala at masiguro na may mapapanagot, sindikato man sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Commission on Audit o (COA), contractors o mga congressman at mga senador. Isama niyo na rin ang DBM na nagbabayad ng proyektong ito kahit substandard, half-ghost at ghost projects.
Hindi pwedeng imbestigahan n’yo ang sarili n’yo o mga kasama n’yo dahil ‘one of the boys’ na kayo eh at para mailigtas ang institusyon n’yo ay kailangan absuweltuhin n’yo ang mga kasama n’yong nagpakasasa at nagpayaman tapos ipe-flex pa ng kanilang mga anak ang kanilang karangyaaan!
