Flood control probe mala-zarzuela VP SARA KAY PBBM: ITURO KURAKOT SA PONDO NG BAYAN

HINAMON ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituro ang mga nagnanakaw sa pondo ng gobyerno.

Sa ambush interview sa The Hague, The Netherlands, sinabi ni VP Sara na kung talagang seryoso si PBBM na lutasin ang problema sa katiwalian sa government projects, isang araw lang ay tapos na ito.

Wala rin aniyang ipinagkaiba ang imbestigasyon ng gobyerno sa ghost at maanomalyang flood control projects sa zarzuela.

“Magdududa ka kung bakit bigla ngayon ay meron silang palabas ng malaking investigation ng flood control projects. Ibig sabihin, meron na namang niluluto na behind the scenes na hindi natin nakikita dahil lahat tayo nakatutok sa flood control,” ani Duterte.

“Kung seryoso lang talaga ang Presidente, tapos na ‘yan isang araw lang, matuturo niya lahat ng may kagagawan ng corruption sa budget. Pero, as you can see, para nga tayong nanonood ng zarzuela,” dagdag pa niya.

Giit pa ng Bise Presidente, huli na ang hakbang ng administrasyon dahil matagal nang umiiral ang isyu ng anomalya sa flood control projects—kahit pa noong panahon ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte. Aniya, mas lumala pa ito sa kasalukuyan.

Tinukoy rin niya na ang malalaking halagang inilaan sa flood control ay hindi nakikita sa aktwal na mga proyekto sa mga lalawigan at lungsod, bagay na matagal nang isinusumbong ng mga lokal na opisyal at residente.

Nauna nang inanunsyo ni Pangulong Marcos na maglalabas siya ng Executive Order para lumikha ng Independent Commission na tututok sa pagbusisi ng mga iregularidad sa flood control projects. Ang komisyong ito ay magkakaroon ng kapangyarihang mag-imbestiga, kumuha ng dokumento, at magrekomenda ng mga kaso laban sa mga opisyal na sangkot.

Reaksyon ng Malacañang

Samantala, iginiit ng Malacañang na hindi palabas ang ginagawang aksyon ng Pangulo. Ayon sa Presidential Communications Office, patunay umano ang gagawing pagbuo ng independent commission na seryoso ang administrasyon sa paglilinis sa hanay ng gobyerno at sa pagsawata ng korupsyon.

“Hindi ito zarzuela. Ang malinaw dito ay nais ng Pangulo na magkaroon ng malinaw, patas, at independent na imbestigasyon para managot ang sinomang mapatutunayang sangkot,” ayon sa PCO.

Samantala, binanggit ni Duterte na “buhay pa” ang kanyang ama ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye. Kasalukuyang nasa The Hague, Netherlands si dating pangulong Rodrigo Duterte upang harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng kontrobersyal na kampanya kontra ilegal na droga noong kanyang administrasyon.

(CHRISTIAN DALE)

131

Related posts

Leave a Comment