Mga kongresista nagbangayan sa Kamara ZALDY CO PROTEKTADO?

MAINIT ang diskusyon kahapon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa unang araw ng pagdinig ng Tri-Infra committee sa flood control projects matapos ‘harangin’ ng ilang mambabatas ang panukalang ipatawag sa pagdinig ang dating Appropriations chair na si Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.

Ipinahiwatig ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pinoprotektahan ng komite si Co.

Bago ito, tinanong ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kung magkano ang infrastructure projects ng ahensya sa 2025 National Expenditure Program (NEP).

Ayon kay Bonoan, P900 billion ang kanilang orihinal na panukala subalit naging P1.088 trilyon ito o nadagdagan ng mahigit P100 billion sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at naniniwala ang dating Kalihim na nangyari ito sa Bicameral Conference committee.

P100-B Isiningit

Sa mahigit isang daang bilyong piso na isiningit sa Bicameral Conference committee para sa 2025 national budget, labing tatlong (13) bilyon umano ang ipinasok ni Co.

“Mr. Chairman I would like to move that In order to clear up things, clarify matters, I move to invite chairman of Senate Finance Committee and the Chairman of House committee on appropriations …former Senator Grace Poe and Congressman Zaldy Co,” ani Erice.

Sinegundahan ito ni Davao City Rep. Isidro Ungab para makapagpaliwanag si Co dahil mula nang kuwestiyonin niya ang 2025 GAA ay hindi man lamang umano ito nagsalita kahit minsan.

Kinontra naman ito ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., dahil hindi maliwanag kung resource person o miyembro ng Kamara ang papel na gagampanan ni Co subalit iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco na dapat ipatawag ang dating chairman ng Appropriations committee.

“Mr. Chairman, here is the USB … sinasabi papaano nagkaroon ng insertion. Under the name of Congressman Zaldy Co, ang insertion sa Bicam as proponent niya is P13,203,693,000 and we don’t want him to invite as a resource person,” ani Tiangco matapos kontrahin nina Abante at Iloilo Rep. Janette Garin ang mosyon ni Erice.

Hindi rin nagustuhan ng mambabatas ang hindi pagpapatawag kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil hindi pa umano ito kailangan gayung gigil na gigil ang ilang administration congressmen nang sabihin ng Alkalde na maraming mambabatas ang sangkot sa flood control project anomaly.

Sa ambush interview matapos umalis sa committee hearing, naniniwala si Tiangco na pinoprotektahan ng komite si Co at mistulang naglolokohan na lamang umano ang mga ito dahil sa pagtanggi na ipatawag ang mambabatas at maging si Magalong.

“Hindi pa ba obvious, di ba obvious tapos — si Mayor Magalong bakit ayaw nating ipatawag saan na mapupunta dito,” ani Tiangco nang tanungin ng mga mamamahayag kung pinoprotektahan ng Kamara si Co.

“Doon sa 13 billion (peso) si Congressman Zaldy Co is a proponent of 13 billion plus worth of projects. Ang point ko is di ba dapat kung kaninong distrito yong project siya yong nag-request di ba so bakit lumalabas na si Congressman Zaldy Co ang nagre-request ng proyekto worth 13 billion at ilalagay sa isang distrito?,” dagdag pa ni Tiangco.

Bukod kay Co, nag-request din umano ang partido nito na Ako Bicol party-list at Barangay Health Workers (BHW) party-list ng tig-P2 billion na halaga ng proyekto para sa mga distrito na hindi na pinangalanan ni Tiangco.

“Yung BHW saka yong Ako Bicol ganon din over 2 billion sila ang nag-request napupunta sa distrito,” ani Tiangco.

Ang BHW ay kinatawan ni dating congw. Natasha Co na pamangkin ni Zaldy Co na natalo noong nakaraang eleksyon.

Tinangkang kunan ng pahayag si Co subalit nasa Hawaii umano ito.

(BERNARD TAGUINOD)

238

Related posts

Leave a Comment