NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang halos kalahating bilyong halaga ng umano’y shabu na nakasilid sa balikbayan box na aabot sa halos P476 milyon ang halaga.
Ayon sa BOC, may timbang na 70 kilo ang hinihinalang shabu na nasabat sa isang bodega ng LBC sa Manila Multi-Purpose Terminal sa Vitas, Tondo, Manila.
Inihalo ang ilegal na droga sa ibang mga produkto at kagamitan na nagmula pa sa Long Beach California. Ang nasabing shipment ay naka-consign sa isang tirahan sa Bacoor, Cavite.
Nagbabala naman si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga gagamit ng balikbayan boxes sa ilegal na paraan lalo’t simbolo aniya ito ng sakripisyo ng overseas Filipino workers para sa kanilang pamilya.
Tuloy-tuloy naman ang mas pinahigpit na pagbabantay ng BOC katuwang ang PDEA, para hindi makapasok ang mga kontrabando sa bansa.
Inihahanda na ang mga kaso laban sa mga nasa likod ng pagpuslit ng ilegal na droga partikular ang paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
(JOCELYN DOMENDEN)
