PERSONAL na ininspeksyon nitong Huwebes ng umaga ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vivencio Dizon ang isang flood control project na river dike sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan na kabilang sa maanomalyang proyekto o ghost project sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Dizon, ang nasabing proyekto na river dike ay flood control project na aniya’y ‘patay na at pinipilit pang buhayin’.
Sa isinagawang inspeksyon sa ginawang dike sa gilid ng Angat River na malapit sa Angat River Bridge ng North Luzon Expressway (NLEX), natuklasan ng kalihim na isa itong ‘guni-guning proyekto’ o ghost project dahil dapat itong nasimulan at natapos noong 2024 ngunit idineklarang completed kahit wala namang nagagawa.
Napag-alaman na nito lamang Hulyo 2025 nang madaliing gawin ng kontratista ang naturang project mula nang pinaigting ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkastigo sa mga palpak at hindi natupad na flood control projects matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan.
Tiniyak ng kalihim na sasampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ang mga taga DPWH na nasa likod nitong ‘guni-guning’ proyekto.
Samantala, sinibak na ni Sec. Dizon ang opisyal na sangkot sa mga maanomalyang flood control projects sa lalawigan ng Bulacan bilang mabilis na pagtugon sa direktiba ng Pangulo na “linisin” ang ahensya matapos ang sunod-sunod na isyung kinaharap nito tungkol sa “ghost at substandard projects”.
Kinumpirma ni Secretary Dizon nitong Huwebes, Setyembre 4, 2025, ang pagsibak kay suspended DPWH former Bulacan 1st District Engineer Henry C. Alcantara, matapos ang kanyang isinagawang inspeksyon sa isang “ghost project” sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan.
Ang naturang proyekto ay idineklarang kumpleto ng DPWH Bulacan 1st DEO noong Hunyo 2025.
Sa inspeksyon, natuklasan ni Secretary Dizon na ang declared completed na P96.50-million flood control project ng Wawao Builders sa Angat River, Sipat section ay tatlong linggo pa lamang nasimulan ang konstruksyon sa ilalim ng mga pakyawang manggagawa.
“Mga hayop ang gumawa nito, hindi sila tao, para gawin nila ito sa mga kababayan natin. And believe me, itong mga hayop na ito makukulong,” madiing sinabi ni Secretary Dizon.
Tiniyak ni Secretary Dizon na papatawan ng perpetual or lifetime blacklisting ang Wawao Builders, kasama na rin ang iba pang contractors gaya ng Syms Construction Trading na nauna nang natuklasang sangkot sa “ghost projects”.
Sisibikin din sina suspended Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at Engr. Jaypee Mendoza na dating hepe ng Construction Section ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office.
Gayundin, sinabi ni Secretary Dizon na simula pa lamang ito ng malawakang paglilinis sa ahensya at perpetual disqualification ng mga contractor na sangkot sa anomalya.
“The President has repeatedly said – and this was his clear marching orders to me – that we must not allow this to happen anymore, and to hold people who have done this to account,” ayon kay Secretary Dizon.
(ELOISA SILVERIO)
161 