BIGONG maipuslit ng hinihinalang international drug syndicate ang nasa P476 milyong halaga ng crystal meth, nang masabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Intelligence Group, ang tatlong balikbayan boxes na pinaglalagyan ng shabu shipment sa isang courier warehouse sa Vitas, Tondo, Manila.
Ayon kay Custom Commissioner Ariel Nepomuceno, nasa 70 kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng P476 milyon, ang nadiskubre ng kanyang alertong mga tauhan.
Sa ginanap na media briefing, ang kontrabando na binubuo ng 70 pakete ng shabu ay isinilid sa balikbayan boxes na nagmula sa Long Beach, California, United States at ipadadala sa isang residential address sa Bacoor City sa lalawigan ng Cavite.
Aminado si Comm. Nepomuceno na nagampanan lamang nang husto ng kanyang mga tauhan ang kanilang tungkulin kaya nadiskubre ang 24 kilograms ng shabu na nakatago sa maliit na kahon at backpack, habang 27 kilograms naman ang itinago sa pangalawang backpack at kahon na naglalaman ng mga de lata. Ang nalalabing 19 kilo ng shabu ay isinama naman sa mga halo-halong personal items na nasa ikatlong balikbayan box.
“This seizure was not the result of an intelligence report. It was made through the procedures we conduct as a matter of standard operating procedure,” ani Nepomuceno
Paliwanag ng Aduana, na detect ng mga custom examiner ang kahina-hinalang laman ng balikbayan boxes matapos na idaan ang mga ito sa x-ray screening at inspection sa dalawang shipping containers, na idineklarang household products.
Sinasabing binabantayan ng Customs ang mga shipment na nagmumula sa southern United States na kanilang kinaklasipika na “high risk,” at ilang mga bansa sa rehiyon ang tinututukan dahil sa smuggling, dahilan para suriing mabuti ang mga ito.
Inihahanda na ng BOC ang paghahain ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act, at RA No. 10863, o Customs Modernization and Tariff Act.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng balikbayan boxes ngayong Christmas season, pinaalalahanan ni Nepomuceno ang mga tao na huwag abusuhin ang paggamit ng mga box na simbolo ng mga kapatid nating overseas Filipino workers.
(JESSE RUIZ)
123 