PATULOY na pinaghahanap ng mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nawawalang mag-asawang negosyante.
Nag-alok na rin ang PAOCC ng P300,000 reward para sa sinomang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon tungo sa kinaroroonan ng business couple.
Nabatid na may dalawang buwang nang pinaghahanap ang mag-asawa mula nang iniulat silang nawawala.
Huling nakita umano ang mag-asawa sa CCTV noong Hulyo 6, kasama ang kanilang business partner na umalis sa kanilang condo sa Taguig City. Nakita silang sakay ng SUV subalit natagpuan sa Dasmariñas, Cavite na iba na ang mga sakay.
Lumitaw rin sa pagsisiyasat na nagamit sa pamimili ang credit cards ng dalawa sa Manila, Bulacan at Cavite.
Bago sila iniulat na nawawala ay may kausap umano ang mag-asawa at kanilang kasosyo na isang alyas “Jeff” tungkol sa kanilang stem cell business at luxury watches na nagkakahalaga ng P20 million.
Subalit makalipas ang ilang oras ay hindi na matawagan ang mga ito ng kanilang mga kamag-anak.
Nabatid na walang tumatawag o nanghihingi ng ransom sa pamilya ng mga nawawala kaya hindi agad sila nag-report sa mga awtoridad.
Ayon sa PNP-CIDG at PAOCC, may mga ‘person of interest’ na silang tinututukan.
(JESSE RUIZ)
