ILILIPAT sa PNP Custodial Facility sa Camp Crame si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez para sa kanyang seguridad.
Kaagad na nagsagawa ng inspeksyon ang PNP-Headquarters Support Service (HSS) kasama ang Senate Sergeant-at-Arms sa nasabing pasilidad upang tiyakin ang kaligtasan at kahandaan ng pasilidad na pagkukustodiyahan kay Hernandez.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, pansamantalang sa Custodial Center muna dadalhin si Hernandez para masiguro ang kanyang kaligtasan.
Naging desisyon ng Senado at ng House of Representatives na hindi na muna ibabalik si Hernandez sa Senado kung saan una siyang na-cite in contempt.
Matatandaan na sa kanyang testimonya sa Kamara, idiniin ni Hernandez sina Sen. Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada na umano’y nagbaba ng pondo para sa mga flood control projects sa Bulacan at kumita ng 30 porsyentong komisyon.
Ayon kay HSS Chief of Staff Col. Dominador Estrada, dakong ala-una ng hapon nang inspeksyunin ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms ang pasilidad.
Matapos ang pagdinig sa Kamara, inaasahan na ididiretso si Hernandez sa Camp Crame Custodial Center.
(TOTO NABAJA)
