KAPANGYARIHAN NG PLATFORM GAMITIN NANG TAMA

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

ISA sa mga bagay na hindi ko maiwasang pansinin sa social media ay kung gaano kalakas ang boses ng mga sikat na tao. Isang tweet, isang post, o isang video lang ay kayang mapatingin at mapag-usapan ng maraming tao.

Parang may hawak silang invisible megaphone na abot agad sa libo-libo o milyong tao nang hindi man lang pinaghihirapan. Sa panahon na maraming nangyayaring isyu sa paligid, ang kanilang mga salita ay kayang magsimula ng mga usapan na minsan ay mahirap gawin ng ordinaryong tao.

Ang mga sikat na tao ay laging nasa ilalim ng mata ng publiko at napapansin ang halos lahat ng kanilang ginagawa. Kaya kapag nagsalita sila tungkol sa mga nangyayari sa paligid, abot agad ito sa maraming tao.

Ang kanilang mga platform ay hindi lamang para mag-promote ng pelikula, album, o produkto. Maaari rin itong gamitin para ipaalam sa lahat ang mga isyung nakaaapekto sa ating buhay. May nagsasabi siguro na dapat manatili silang nakatuon sa entertainment, pero mahalaga rin ang kanilang opinyon tulad ng opinyon ng iba. Sa katunayan, dahil sa laki ng reach sa kanilang audience, mas malakas ang epekto ng kanilang mga salita.

Isipin mo na lang. Kapag ang isang kilalang aktor ang nagsalita tungkol sa isang mahalagang isyu, maraming fans ang maaaring maging interesado rin. Ang isang batang tagahanga na humahanga sa isang singer ay maaaring ma-inspire na matuto pa, makilahok sa mga usapan, o gumawa ng aksyon. Malakas ang epekto nito. Hindi ito tungkol sa pagiging bayani. Ito ay tungkol sa paggamit ng pribilehiyo na marinig upang ipakita ang mga bagay na kadalasan ay hindi pinapansin.

At aminin natin, kung kaya nilang gawin ang milyon-milyong tao na mag-alala sa kanilang bagong pelikula, kaya rin nilang magpaabot ng mensahe tungkol sa bagay na talagang mahalaga.

Hinahangaan ko ang mga sikat na tao na hindi natatakot magsalita kahit na maaaring mawala ang endorsement o fans. Ipinakikita nito ang tapang. Pinatutunayan din na mahalaga sa kanila hindi lang ang kanilang karera kundi pati ang lipunan na kanilang ginagalawan.

Siyempre, hindi lahat ay sasang-ayon sa kanila, pero iyon ang kagandahan ng malayang pagpapahayag. Kapag nagsalita ang isang sikat na tao, hinihikayat nito ang iba na mag-isip, mag-react, at makipag-debate. Dito nagsisimula ang mga usapan, isa-isa.

May nagsasabi na hindi dapat makialam ang mga sikat sa seryosong usapin dahil hindi sila eksperto. Naiintindihan ko iyon, pero may mas malalim na dahilan kung bakit mahalaga ang kanilang boses. Hindi nila kailangan maging eksperto para magpakita ng malasakit. Sila rin ay mamamayan, tulad natin.

Ang pagiging artista o singer ay hindi nagpapawalang-bisa sa kanilang papel sa lipunan. Lagi namang nandiyan ang mga eksperto para magbigay ng solusyon at detalye. Ang mga sikat ay puwede nilang tulungan ang mga boses na iyon na marinig ng mas marami at minsan, ang viral na post ay mas nakaaabot pa kaysa artikulo sa pahayagan.

May mga pagkakataon din na nakabibigo ang pagiging tahimik ng mga sikat na tao. Kapag mali ang nangyayari at pinipili nilang manahimik, nakapagtataka ito sa mga tao. Takot ba sila? O komportable na silang manatili sa ganoong estado?

Minsan gusto ko sana na mas marami sa kanila ang magsalita. Minsan, mas malakas ang tahimik kaysa pagsalita, at napapansin ng mga tao kapag nanatiling tahimik ang isang kilalang boses.

Naiintindihan ko rin na hindi madali sa kanila. Mataas ang pressure. Binabantayan ang bawat salita. Pero iyon din ang dahilan kung bakit mas mahalaga kapag nagsalita sila. Ang paggamit ng kanilang platform para ipahayag ang malasakit ay hindi lang tapang kundi kailangan din para maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko.

Para sa akin, ang mga sikat na tao ay hindi lang entertainer. Bahagi rin sila ng komunidad na ating ginagalawan. Malakas ang bigat ng kanilang boses, at kapag nagsalita sila nang tapat at may malasakit, pinapaalala nila sa atin na lahat, gaano man kasikat, ay may papel sa pagbuo ng mas magandang bukas. At kung kaya nilang palakasin ang loob ko na tumawa, umiyak, o kumanta kasama nila, kaya rin nilang pasiglahin ang isip ko.

140

Related posts

Leave a Comment