LEYTE – Isang pulis ang dinakip ng kanyang mga kabaro dahil sa umano’y pagkamatay ng isang magsasaka matapos nitong barilin sa kasagsagan ng kanilang inuman sa Barangay Balire sa bayan ng Tunga sa lalawigan.
Ayon kay Leyte Police Provincial Office chief, Police Colonel Dionisio DC Apas Jr., kinilala ang biktimang si alyas “Jonar,” 56, mula sa Barangay Parag-um, Carigara, Leyte.
Habang kinilala naman ang suspek na pulis na si alyas “Nonoy,” 53-anyos, ng Barangay Abango, Barugo, Leyte.
Base sa paunang imbestigasyon, masayang nag-iinuman ang dalawa sa bahay ng tiyahin ng pulis nang biglang nagkaroon ng argumento sa pagitan ng biktima at suspek.
Dahil umano sa kalasingan ng biktima ay bumunot ito ng patalim at inundayan ng saksak ang pulis.
Gayunman, nakailag umano ang suspek ngunit binunot nito ang kanyang
service firearms para mag-warning shot.
Subalit patuloy umanong umatake ang biktima kaya napilitan ang pulis na paputukan ito at nahagip sa leeg.
Idineklarang dead on arrival sa Carigara District Hospital ang magsasaka.
Sa pagresponde ng Tunga Municipal Police Station, sa pakikipag ugnayan sa Carigara Police, ay naaresto ang suspek sa nasabi ring pagamutan kung saan ito nilalapatan ng lunas.
Nabawi ng mga awtoridad ang 9mm Jericho pistol mula sa pag-iingat ng suspek habang may dalawang spent shells naman ang nakuha sa crime scene at kasalukuyang pinoproseso ng PNP- Scene of Crime Operation (Soco) operatives, habang inilagay sa kustodiya ng Tunga Police ang suspek.
(JESSE RUIZ)
80
