Sa hindi pinayagang double funding DISCAYA GUMANTI KAY MARCY

MALINAW na ganti ng kontrobersyal na contractors na sina Sarah at Curlee Discaya ang pagdawit kay Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro sa mga tumanggap ng pera mula sa kanilang mga proyekto.

Ayon kay Teodoro, idinamay siya ng mga Discaya dahil sa kanyang pagbubulgar na double funding sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways sa 2026 National Expenditure Program.

“Malinaw pa sa sikat ng araw na ito ay diversionary tactics ng mga sindikato para malihis sa tunay na issue ng corruption and anomalies sa flood control projects ng DPWH. Walang katotohanan ang mga paratang ng mga Discaya. Isa lang itong demolition job — a cheap shot para siraan ako,” wika ni Teodoro.

Paliwanag ni Teodoro, hindi na siya kinatawan nang i-award ang kontrata sa mga Discaya kundi ito’y nangyari noong panahon ng yumaong si Bayani Fernando.

“In fact, ang mga DPWH projects na napunta sa mga Discaya ay bago pa ako maupo bilang congressman — around 2020 or 2021, hindi 2022 pataas. Wala akong kinalaman doon, dahil hindi pa ako congressman noon,” paliwanag pa niya.

“Kaya malinaw na ang mga akusasyong ito ay mali, malisyoso, at walang ibang layunin kundi sirain ang pangalan ko at ang tiwala ng mga taga-Marikina sa akin. Never akong humingi o tumanggap ng pera, pabor, o anomang benepisyo kapalit ng political influence o legislative action,” dagdag pa ng mambabatas.

Plano ni Teodoro na kasuhan ang mga Discaya sa kanilang pagsisinungaling at pagsira sa kanyang reputasyon.

“I am planning to file perjury dahil may false testimony sila in a legislative hearing, and perjury dahil they are under oath. Ang track record ko bilang public servant ay malinaw na patunay ng trabaho at integridad ko. Hindi ko hahayaang sirain ito ng kasinungalingan.” wika pa niya.

Handa si Teodoro na makipagtulungan sa patas na imbestigasyon upang patunayang walang katotohanan ang akusasyon laban sa kanya.

Nanawagan din siya sa publiko na maging mapanuri sa disinformation at kuwestiyunin ang motibo ng mga nagpapakalat nito.

137

Related posts

Leave a Comment