DPA ni BERNARD TAGUINOD
TAYONG mga ordinaryong mamamayan ang dahilan rin kung bakit patuloy na nagsasamantala at pinagnanakawan tayo ng mga opisyales ng gobyerno dahil ang tagal nating magalit at kung galit man ay hanggang sa salita lang.
Ang dami nang ebidensya sa anomalya sa flood control projects na pinagnanawakan tayo nang harap-harapan ng mga kurakot sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mga tiwaling kontraktor na kasabwat ng corrupt politicians pero hanggang sa pang-aasar at batikos lang ang ginagawa ng mga tao sa kanila.
Oo, maingay ang mga tao sa social media at ramdam mo ang galit nila pero hanggang doon lang ang kaya nilang gawin kaya walang epekto ito sa mga kurakot sa pamahalaan at pribadong sektor lalo na ang mga contractor dahil ipinanganak na sila na wala talagang hiya.
Iisipin ng mga kawatang ito na lilipas din ang pagsubok na ito sa kanila dahil alam nila na ang mga Pinoy ay hanggang salita lang ang galit nila at hindi marahas tulad ng mga tao sa Indonesia at Nepal na napuno na sa kanilang mga politiko na nagpapayaman lang habang ang mamamayan ay naghihirap.
Walang ipinagkaiba ang mga politiko sa Indonesia at Nepal na inaakusahan ng pangungurakot, kaya ang suwerte ng mga kurakot sa ating bansa na namumuhay nang marangya dahil sa perang harap-haparan nilang ninanakaw sa atin pero ang galit ng mga Pinoy ay hanggang salita lang hindi tulad ng mga kabataan sa Indonesia at Nepal.
Huling nagalit ang mga Pilipino noong 1986 na nagkaisa sa mapayapang rebolusyon na tumapos sa pang-aabuso ng pamilyang Marcos at mula noon ay hindi na naulit ang pagkakaisa kahit napakaraming mas malalang katiwalian ang nangyari sa ating bansa.
Halos apat na dekada nang nananahimik ang mga tao sa katiwalian sa ating bansa kaya lalong lumalakas ang loob ng mga kurakot sa pamahalaan na pagnakawan nang harap-harapan ang sambayanang Pilipino. Wala silang kinatatakutan.
May kasabihan na kapag tahimik ka sa krimeng nangyayari ay kinukunsinti mo ang kriminal kaya pangungunsinti ang pananahimik ng mga tao sa mga katiwalian sa ating bansa, tapos magrereklamo tayo sa kahirapan sa ating bansa.
Hindi ko sinasabi ng gayahin natin ang mga Nepalese at Indonesian na naubos na ang pasensya pero dapat naman ay magkaisa tayo at iparamdam natin sa mga kurakot ang galit natin at dapat tayong samahan ng mga prosecutor, hukom at mahistrado para panagutin ang mga mandarambong na ito sa ating bansa.
Kailangang tiyakin ng mga prosecutor na walang butas ang isasampang kaso laban sa mga kurakot para hindi maabsuwelto pagdating sa korte dahil ang karaniwang nangyayari, nadadale ng teknikalidad ang asunto at nakalalaya ang mga kawatan.
Mahalaga ang papel ng prosekusyon sa laban sa katiwalian kaya siguraduhin naman n’yo na may maparurusahan, hindi lang ang mga utusan kundi ang mga politikong matagal nang nagpapayaman sa pawis ng mamamayan!
