Whitening Soap for Babies? SAKIT SA LIPUNANG MAPUTI ANG PAMANTAYAN

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

KUMALAT kamakailan sa TikTok ang isang video na may isang nanay na humihingi ng opinyon tungkol sa whitening soap para sa kanyang baby na medyo maitim ang balat. Ang dami agad nag-react. At tama lang. Iba ang paggamit ng whitening products kung ikaw ay matanda na at may desisyon ka para sa sarili mo. Pero kung bata pa at hindi pa nga marunong magsalita, tapos problema na agad ang kulay ng balat niya, iba na ‘yon.

Hindi lang simpleng tanong tungkol sa sabon ang lumabas. Isa itong malakas na patunay na malala pa rin ang isyu ng colorism sa atin.

Lumaki tayong madalas naririnig na mas maganda raw ang maputi. May mga nagsasabi na mas “malinis” o mas kaaya-ayang tingnan. Lalong lumalim ang ganitong paniniwala kaya’t hanggang ngayon, marami pa ring nag-iisip na dapat itago o baguhin ang pagiging kayumanggi.

Pero ang pagiging kayumanggi ay hindi dumi. Natural na kulay ito. Sa ibang bansa, marami pa nga ang naiinggit at gustong magkaroon ng ganyang kutis. Dito naman, gastos at effort ang inuubos ng mga tao para lang pumuti.

Dito nagiging mahirap ang pagiging magulang. Ang mga bata ay hindi ipinanganganak na insecure. Natutunan nila ito. At ito ang unang natututunan sa loob ng bahay. Kapag ang nanay mismo ang unang nagsabi na may kailangang baguhin sa anak, lalaki ang bata na iniisip na kulang siya. Diyan nagsisimula ang cycle ng insecurity. Kaya naniniwala ako na dapat marunong munang maghilom ang magulang bago magpalaki ng anak.

Hindi ibig sabihin ng ‘healing’ na dapat perpekto ka na. Walang taong perpekto at walang lubusang maghihilom. Pero ang ‘healing’ ay pagkilala kung anong sugat pa ang dala mo at anong insecurities pa ang bumabagabag sa iyo, at siguraduhin na hindi mo ipapasa ang sugat na iyon sa anak mo. Kung pinalaki kang naniniwala na pangit ang maitim, at hindi mo ito kinuwestyon, malaki ang posibilidad na ganoon din ang pananaw ng anak mo sa paglaki niya.

Para sa akin, dapat may therapy ang mga magulang. Hindi ‘yung mamahalin na para lang sa may pera. Dapat libreng ibinibigay ng gobyerno. Hindi lang pagkain at pag-aaral ang kailangan ng bata. Kailangan din nilang lumaki na ligtas sa insecurities ng magulang.

Kapag may espasyo ang magulang na iproseso ang sarili nilang sugat, hindi na ito ipapasa sa anak bilang mabigat na dalahin.

Dahil ang totoo, ang magulang ang pwedeng maging unang bully. Bago pa makilala ng bata ang mga kaklase, kapitbahay, o guro, naririnig na nila ang mga boses sa bahay. At ang boses na iyon, pwedeng magpatatag o magwasak sa kanila. Kapag ang unang narinig ay, “ang itim mo, kailangan mong pumuti,” bullying na ‘yon na naka-disguise bilang pagmamahal.

Kaya kahit nakagugulat ang viral TikTok video, hindi na rin nakapagtataka. Ipinakita lang nito ang paniniwalang tahimik na pinaniniwalaan pa rin ng marami. Na ang puti pa rin ang pamantayan. Na ang pagpapaputi pa rin ang pangarap. Pero hindi ito dapat ipamana sa susunod na henerasyon. May karapatan ang bata na maramdaman na maganda siya sa sariling kulay, mapa-maputi o kayumanggi.

Nagsisimula ang responsibilidad sa mga magulang. Bago magtanong kung anong sabon ang bibilhin, baka mas magandang tanungin muna kung anong paniniwala ang bumubuo sa paraan ng tingin natin sa ating mga anak.

Mas masakit isipin kung gaano kaaga natatanim ang ganitong mga salita. Naaalala ng mga bata ang biro tungkol sa balat, timbang, o itsura nila. Kahit biro lang, tumatatak. Ang simpleng “ang itim mo” ay pwedeng maging peklat na hindi agad mawawala. Bago pa man sila matuto ng math o magbasa, natututunan na nila kung paano sila tinitingnan ng iba. At madalas, pinaniniwalaan din nila ito.

Isipin kung dumating ang panahon na hindi na ipinapasa ng mga magulang ang ganitong sugat. Isang tahanan kung saan sinasabi sa bata na maganda siya kung ano siya, hindi base sa kaputian ng balat. Maliit na pagbabago pero napakalaki ng epekto. Pwedeng lumaki ang mga bata na buo ang tiwala sa sarili, mas mabait sa iba, at mas kontento. At baka sakaling doon tuluyang matapos ang cycle ng isyu sa colorism.

47

Related posts

Leave a Comment