‘WAG PULITIKAHIN ANG FLOOD CONTROL PROJECTS ANOMALIES

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MAGING kakampi man o hindi ng kasalukuyang administrasyon basta’t nadadawit sa maanomalyang flood control projects ay dapat managot.

NaPUNA kasi natin sa isinagawang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na may mga kongresista na pilit na tinatanong si Ginoong Curlee Discaya kung may proyekto siya noong 2016, sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Hindi lingid kaalaman ng publiko na nais n’yong idawit si dating Pangulong Duterte sa pinakamalalang korupsyon sa kasaysayan ng Pilipinas na kinasasangkutan ng mga mambabatas, Department of Public Works and Highways (DPWH) engineers at iba pang mga opisyal ng gobyerno. Sinindikato nila ang pondo ng pamahalaan.

‘Wag na kayong magpanggap na hindi n’yo alam kung kailan nagsimula ang malaking problema sa maanomalyang flood control projects.

Bakit hindi n’yo tanungin sina Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, dating Marikina Rep. Stella Quimbo at si House Speaker Martin Romualdez?

Alam n’yo naman na nagsimula ang katiwaliang ito sa 2025 National Budget kung saan isiningit ang bilyun-bilyong pisong pondo.

Sino ba ang nakakaalam sa Bicam Report at ang tinatawag na small committee na siyang pinakahuling humawak ng panukalang 2025 National Budget bago pinirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr?

Kung pinirmahan ni Pangulong Marcos ang panukalang 2025 National Budget na may katiwalian at naging batas, may pananagutan siya.

Hindi magiging batas ang panukalang 2025 National Budget kung hindi niya ito pinirmahan.

Ngayon, dahil nagturo na ang mga less corrupt ika nga, manggagalaiti kayo ngayon sa galit hanggang sa kanya-kanya kayong banta na magdedemanda kayo ng libel laban sa mga nagbanggit ng inyong mga pangalan.

Magagawa ba ito ng DWPH engineers at kontratista kung walang ibibigay sa kanilang pondo? Sinabi na nila na mga kongresista at senador ang nagbibigay sa kanila ng budget para sa flood control projects.

Ngayon kanya-kanya tanggi at banta ang DPWH engineers, kongresista, senador at iba pang mga opisyal ng gobyerno laban kina Curlee, Sarah Discaya at Engr. Brice Hernandez na nagdawit sa kanila.

‘Wag na ‘wag n’yong hamunin ang kakayanan ng taumbayan kung ayaw n’yong matulad tayo sa Indonesia. Sagad na sagad na sa kahirapan ang mga Pilipino.

Sa Quezon City, dalawang kongresista ang todo-tanggi sa pagdawit sa kanila ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Ang mga ito ay sina QC 1st District Rep. Arjo Atayde at QC 5th District Patrick Michael Vargas na sinasabing may mga proyekto na nadadawit sa katiwalian.

Binura umano ang post ni Atayde tungkol sa P50M flood control projects kasama ng Wawao Builders, itinanggi naman ni Vargas na may proyekto siya sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Cong. PM Vargas, ano po itong item no. 84, contract ID no. 220F0112, “Construction of Lagro Multi-Purpose Building, Quezon City” na may approved budget na P34,300,000.00, contract period (CD) 360 winner bidder St. Matthew General Contractor & Development Corporation/Steelman Builders Corporation? Sino ang may-ari ng kumpanyang ito? ‘Di ba ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya?

Kahit anong katatago n’yo ay sisingaw at sisingaw pa rin ang katotohanan. Hindi barya-barya ang pinag-uusapan dito, at pera ng taumbayan ‘yan, hindi kami papayag na basta-basta na lang mawawala ito.

Kung dati ay ipinangangalandakan ng mga kongresista at mga senador ang kanilang infra projects, ngayon kanya-kanya na silang tanggal ng mga tarpaulin na makikita ang kanilang pangalan.

Kaugnay nito, nanganganib ang buhay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya dahil tagilid silang maging state witness, ang kondisyon kasi ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla, kailangan munang ibalik ng mag-asawa ang kanilang nakuhang pera sa gobyerno bago silang tanggapin sa witness protection program.

Naibalik na ba ng mga politiko ang perang nakuha nila sa pondo ng bayan sa mga nasangkot sa katiwalian ni Janet Napoles? “Wag n’yo pulitikahin ang isyu kung gusto niyong malinis ang bansa natin sa katiwalian. Magpakatotoo kayo.

Hindi kami magsasawang bantayan ang isyung ito, hangga’t walang napapanagot sa mga nagkasala sa mga katiwaliang ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

60

Related posts

Leave a Comment