KAILANGANG maging agresibo ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na itinatag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa imbestigasyon at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa katiwalian sa flood control at iba pang infrastructure projects ng gobyerno upang maibalik ang tiwala ng taumbayan.
Ito ang panawagan ni House Minority Leader Marcelino Libanan matapos pangalanan ng Malacañang ang dalawang kasapi ng ICI: Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Rogelio Singson at SGV & Co. Country Managing Partner Rossana Fajardo.
Kasama rin si Baguio City Rep. Benjamin Magalong, ngunit hindi bilang miyembro ng 3-man panel kundi bilang imbestigador at adviser. Ang chairman ng ICI ay inaasahang personal na papangalanan ni Marcos sa mga susunod na araw.
“We expect the fact-finding Commission to leave no stone unturned — to follow the money, unmask the perpetrators, and recommend the filing of charges against every official and private contractor involved in the plunder of public infrastructure funds,” ani Libanan.
Dagdag pa niya, ito lamang ang paraan upang wakasan ang “culture of impunity” at matiyak na ang mga susunod na proyekto ay tunay na makikinabang ang mamamayan.
Giit pa ni Libanan, dapat ugatin ng ICI ang katiwalian sa mga proyekto ng gobyerno nang walang sasantuhin, upang mabigyan ng hustisya ang mga Pilipinong paulit-ulit na nalulubog sa baha dahil sa ninakaw na pondo para sa imprastrakturang poprotekta sana sa kanila.
Samantala, sinabi ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na mas mainam sana kung maisasabatas ang pagbuo ng Independent Commission imbes na itinatag lamang sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 94.
“Para sa hustisya at kapakanan ng mga kababayan nating patuloy na ninanakawan ng perang kanilang pinaghirapan at pinagkakaitan ng magandang serbisyo, dapat magkaroon ng resulta ang imbestigasyong ito,” ani De Lima.
“Hindi dapat mabaon na naman sa limot, walang dapat mapagtakpan, at dapat maipakulong ang mga tiwaling lalong nagpapalubog sa ating bansa sa katiwalian at kahirapan,” dagdag pa niya.
(BERNARD TAGUINOD)
159
