CAVITE – Patay ang isang pedestrian habang sugatan ang kasama nito nang nabundol ng Lalamove driver habang tumatawid ang mga ito sa kalsada sa bayan ng Carmona sa lalawigan noong Linggo ng madaling araw.
Isinugod sa Pagamutang Bayan ng Carmona ang mga pedestrian na sina alyas “Rob”, at “Ali”, kapwa tubong Quezon at residente ng Brgy. Bancal, Carmona City, at “France”, Lalamove driver at nagmamaneho ng isang Yamaha Fazzio ng Brgy. Timalan, Naic, Cavite, subalit idineklarang dead on arrival si Ali.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:30 kahapon ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng Governor’s Drive sakop ng Brgy. Bancal, Carmona City.
Papatawid umano ang mga biktima nang mabangga ng Lalamove driver na umano’y lasing habang binabagtas ang direksyon ng Biñan City.
Dahil sa insidente, mabilis na isinugod ng nagrespondeng rescue team ng Carmona CDRRMO sa ospital ang mga biktima subalit idineklarang DOA si Ali.
(SIGFRED ADSUARA)
