HINDI pa rin tinatantanan ng pamilya Duterte ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos magsampa si Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte ng panibagong reklamong kriminal at administratibo laban sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa 160-pahinang affidavit na inihain nitong Lunes, Setyembre 15, sa Ombudsman-Mindanao, idinawit ni Baste sina Justice Sec. Jesus Crispin Remulla, DILG Sec. Jonvic Remulla, Defense Sec. Gilbert Teodoro, NSA Eduardo Año, at iba pang opisyal.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang ilang dating hepe ng pulisya kabilang sina dating PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ex-CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, at iba pang opisyal ng DOJ at PNP.
Konektado ang reklamo sa umano’y sapilitang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa NAIA noong Marso 11, matapos dumating mula Hong Kong. Ayon kay Baste, dinala raw si Digong sa Villamor Air Base, binantayan ng ilang oras, at saka ipinuslit papuntang The Hague, Netherlands para sa kaso sa ICC — lahat daw nang walang due process.
Idinagdag pa ng alkalde na pinagkaitan ang kanyang ama ng agarang gamutan kahit may seryosong sakit ito sa diabetes. Dahil dito, napilitan siyang ipagpatuloy ang laban dahil nakakulong pa rin ang dating pangulo sa abroad.
Pero hindi natinag si Justice Sec. Remulla. Mabilis niyang binansagang “forum shopping” ang reklamo ng mga Duterte, dahil may nakabinbing kaso na rin kaugnay nito sa Korte Suprema.
“It’s really forum shopping. Political spectacle lang ito. Gusto lang nilang sirain ang nominasyon ko bilang Ombudsman,” giit ni Remulla.
Dagdag pa niya, isang “organized effort” umano ang ginagawa para pigilan ang kanyang aplikasyon bilang Ombudsman. Aminado rin siyang wala pa siyang clearance dahil nakabinbin pa ang motion for reconsideration ni Sen. Imee Marcos laban sa kanya.
(JULIET PACOT)
140
