SAYANG KA, VICO SOTTO!

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

MASYADONG halata na sinadyang magpalit ng liderato ang Senado para puntiryahin at alisin si Senator Rodante Marcoleta bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.

Imbes na ang tanggalin sa pwesto ay si House Speaker Martin Romualdez na idinadawit sa malawakang anomalya sa flood control projects, ay si Senator Chiz Escudero pa ang inyong inalis bilang Senate President.

Ayon kay Escudero, kahit na inalis sila ni Senator Marcoleta ay nagawa nila ang nararapat na natukoy at pinangalanan ang mga nadadawit sa maanomalyang flood control projects.

Duda tuloy ng taumbayan kaya nila pinalitan sina Escudero at Marcoleta ay para matigil ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Marcoleta, at ayaw na nilang maisiwalat ang iba pang mga pangalan na nasasangkot sa katiwalian.

Pero kahit anong gawin n’yong pagtatakip sa masamang gawain ay lalabas at lalabas pa rin ‘yan.

Hindi niyo laging maloloko ang taumbayan, darating at darating ang panahon na magsasawa rin sila sa inyong pinaggagawa.

Hindi rin nagustuhan ng publiko ang ginawa ni Pasig City Mayor Vico Sotto na nagsalita pa sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, laban sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

Masyadong pinersonal ni Vico ang mag-asawa, hindi pa ba siya nakuntento na tinalo niya si Sarah Discaya sa pagka-alkalde noong nakaraang eleksyon?

Kaya ba siya nagalit sa mag-asawa dahil kasama sa binanggit ni Curlee Discaya na kumuha ng komisyon sa kanila si Pasig City Congressman Roman Romulo?

Sinabi tuloy ni Cavite Congressman Kiko Barzaga kay Tito Sotto. na ang mga Discaya lang ang kaya nito, takot siya kay Romualdez.

Kung ako ang pamimiliin, bagama’t baguhan pa lang at batam-bata pa na kongresista si Barzaga, ay mas bilib ako sa kanya kaysa magtiyuhing sina Tito at Vico Sotto.

May tapang ang batang Kongresistang ito (Cong. Barzaga), wala siyang pakialam kahit pa sina Speaker Romualdez, at Senate President Tito Sotto ang kanyang banggain ay hindi siya natatakot.

‘Yan ang totoong maprinsipyong politiko, ‘di katulad ni Vico na batam-batang politiko ay trapo (traditional politician) na rin tulad ng iba. Sayang ka, Boy, ‘di pa man natatapos ang termino mo sa Pasig lumabas na ang tunay mong kulay.

Pinagdududahan tuloy kayo ng mga tao na sunud-sunuran kayo kay Martin Romualdez.

Natakot ba kayo na kung hindi niyo maaalis sina Senator Marcoleta bilang Blue Ribbon Committee chair, at Senate President Escudero, ay may mabubulgar pa na malapit sa inyo?

Kung galit kayo sa katiwalian bakit n’yo inalis ang nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects?

At bakit ayaw rin ni Tito Sotto na gawing state witness ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya?

Wala namang ginagawang state witness ang gobyerno na hindi nasasangkot sa krimen, ‘yun nga lang ay mas mababa ang kanilang kasalanan kaysa ibang nasasangkot.

Ayon sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na dating pinamumunuan ni Senator Marcoleta, nasa 10% hanggang 15% lang sa kabuuang budget ng flood control project ang napupunta sa mga kontraktor, mas malaki ‘di hamak ang nakukuha ng mga politiko na umaabot ng 25% hanggang 30%.

‘Yan din ang sinabi nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong at Navotas Congressman Toby Tiangco.

###

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

68

Related posts

Leave a Comment