LALAKI TIMBOG SA BOMB THREAT SA PNP-ACG HEADQUARTERS

KALABOSO ang isang lalaki nang arestuhin ng mga operatiba ng Cyber Response Unit ng PNP Anti-Cybercrime Group makaraang nagbanta online na pasasabugin ang kanilang tanggapan sa Camp Crame.

Ayon kay ACG acting director BGen. Bernard Yang, nitong Setyembre 10 ay inaresto ang suspek sa Batangas City makaraang maglabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court ng Batangas.

Inihain ang reklamo ng social media handler ng opisyal na Facebook page ng ACG matapos itong makatanggap ng sunod-sunod na pagbabanta at pagmumura mula sa suspek sa pamamagitan ng comments at messenger.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, tatlong dummy accounts ang ginagamit ng suspek.

Natunton ang tunay na account at personal information ng suspek makaraang magsanib-pwersa ang Cyber Patrolling and Intelligence Unit at Cyber Response Unit ng ACG.

Hindi naman itinanggi ng suspek ang pagbabanta at sinabing kaya niya raw ito nagawa ay upang makakuha ng atensyon

Nahaharap ang suspek sa 3 counts ng kasong grave threats sa ilalim ng Revised Penal Code, in relation to Cybercrime Prevention Act of 2012.

(TOTO NABAJA)

28

Related posts

Leave a Comment