MULING humarap kahapon sa Senate Blue Ribbon committee hearing ang mga personalidad na iniuugnay sa flood control projects anomalies. (DANNY BACOLOD)
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
UMABOT umano sa P1 bilyon ang perang dinala sa penthouse ni Ako Bicol Rep. Elizaldy “Zaldy” Co sa Shangri-La Hotel, Taguig.
Base ito sa alegasyon ng dalawang dating district engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kabilang sa tinaguriang BGC boys sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes, Setyembre 23.
Ayon kay Brice Hernandez, dating Bulacan 1st District Engineer, mahigit 20 maleta ng pera ang isinakay sa anim hanggang pitong van at inihatid sa penthouse ng kongresista. Ipinasa umano ang cash sa isang aide ni Co na tinukoy bilang “Paul.” Dagdag pa ni Hernandez, nakita raw niya mismo si Co habang kausap ang kanyang dating boss na si Henry Alcantara, dating DPWH-Bulacan District Engineer.
Kinumpirma naman ni Jaypee Mendoza, dating assistant engineer, ang mga detalyeng ito. Aniya, sa mga unang taon ay sa Shangri-La Hotel ginagawa ang transaksyon, pero lumipat kalaunan sa Valle Verde 6 sa Pasig, na umano’y tirahan ng kongresista.
Hindi lang cash delivery ang ibinulgar. Sa parehong pagdinig, itinuro ni Alcantara si Co bilang isa sa mga nasa likod ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ayon sa kanya, mula 2022 hanggang 2025 ay nagpasok si Co ng P35.24 bilyon para sa mga proyekto sa distrito.
“September 2021 nagkakilala kami ni Cong. Zaldy Co sa Shangri-La Bonifacio. Doon namin napag-usapan ang pagbagsak ng pondo para sa distrito,” ani Alcantara. “Makalipas ang isang buwan, nagpasa ako ng listahan ng flood control projects at lumabas ito sa General Appropriations Act (GAA) of 2022.”
Matatandaan na si Co ay dating chair ng House appropriations committee at ngayon ay nasa ibang bansa habang iniimbestigahan ang kaugnayan niya sa anomalya sa malalaking flood control projects ng DPWH.
3 Senador, Kongresista Sangkot Din
Bukod dito, pinangalanan ni Alcantara sa pagdinig ang tatlong senador, isa pang kongresista at isang opisyal ng Commission on Audit na ‘proponent’ na umano’y nakinabang sa flood control projects na ibinababa sa kanyang nasasakupan.
Kabilang sa mga ito sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, kasama si dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., at dating Cong. Mitch Cajayon-Uy gayundin si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana.
Sinabi ni Alcantara na nasa pagitan ng 10 hanggang 30 percent na obligasyon o komisyon ang ibinibigay nila sa mga proponent ng mga proyekto.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, humingi pa ng paumanhin si Alcantara sa kanyang pananahimik sa mga nakalipas na pagdinig subalit napag-isipan anya niyang makipagtulungan na sa imbestigasyon.
Tinukoy ni Alcantara si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na siyang nag-promote sa kanya bilang District Engineer sa Bulacan at siyang kausap niya para sa mga ibababang proyekto sa kanyang nasasakupan na may 25% na obligation para sa proponent.
Sa kanyang salaysay, tinukoy niyang noong 2024 ay nabigyan nila si dating senador Revilla ng 30% ng P300 milyong proyektong naibaba sa Bulacan subalit idinaan ito kay Bernardo.
Personal naman anya niyang inihatid noong 2023 sa resthouse ni Villanueva sa Bocaue, Bulacan ang P150 milyon na obligasyon para P600 milyong halaga ng proyekto na ibinigay niya sa isang Peng at ibinilin na para sa future plans ng senador.
Nilinaw naman niya na hindi alam ni Villanueva na flood control ang proyekto dahil ang hiling nito ay multipurpose hall.
Kay Usec Bernardo rin anya niya idinaan ang 25% na komisyon para kay Estrada na mula sa P355 milyong halaga ng proyekto na karamihan ay pumping stations with floodgates.
Isinalaysay naman ni Alcantara na personal niyang nakilala sina Cong. Zaldy Co at Cajayon-Uy at sila ang mismong nagkaroon ng mga transaksyon.
Ayon kay Alcantara, kabuuang P35.24 bilyon ang mga proyektong naibaba sa kanila ni Co mula 2022 hanggang 2025 na may katumbas na 20 hanggang 25 percent na komisyon.
Ang ipinakitang larawan aniya ng bulto ng pera na inaayos nila sa kanilang dating tanggapan ay ang obligasyon nilang ihahatid kay Co. Bukod sa Bulacan, nagbaba rin anya ng proyekto si Co sa Tarlac at lalawigan ng Pampanga.
Nagbaba rin anya ng P411 milyon na halaga ng proyekto sa kanilang District Engineer si Cajayon-Uy na may 10% na komisyon habang kay Lipana anya ay wala siyang personal na kaalaman kung paano naisakatuparan ang P500 milyong halaga ng proyektong na naisulong nito noong 2023.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
149 