(Photo by DANNY BACOLOD)
Tahasang isinisisi ni Senador Panfilo Lacson sa Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang patuloy na pagkalat ng droga sa bansa.
Sa kanyang privilege speech sa Senado, walang patumanggang tinukoy ni Lacson ang dalawang ahensya ng pamahalaan na umano’y sangkot sa shabu cover-up.
“Ang nakaka-stress pa, Mr. President, makailang ulit nang pinalitan ang Commissioner ng Customs pero hindi pa rin masawata ang pagpasok ng iligal na droga. Imbes na magpataasan sila ng koleksyon ng buwis, tila naging padamihan sila ng mga drogang pumapasok sa mga aduana ng bansa,” ayon pa sa senador.
“We have seen ingenious schemes of illegal drugs smuggling in the recent three leaderships of the Bureau of Customs — from the metal cylinders during the time of Mr. Nicanor Faeldon to the magnetic lifters of General Isidro Lapeña to the most recent teabags and tapioca starch of incumbent Commissioner Rey Leonardo Guerrero,” ayon kay Lacson.
Giit nito, sa kabila ng gumastos ng malaking halaga ang pamahalaan sa pagbili ng x-ray scanners maliban pa sa pagkakaloob ng malaking sahod ng mga empleyado ng ahensya ay tuloy pa rin ang illegal na transaksyon sa BOC.
“We spend a great deal of taxpayers’ money for an automated processing system, x-ray scanners, even for brokers’ accreditation, not to mention fairly high salaries for seasoned military men at the helm of the Bureau of Customs. But at the end of the day – all our efforts be damned — we are still one hell of a mess,” ayon pa kay Lacson.
Sinabi pa ng senador na sa haba ng pagdinig sa isyu ng P6.4 billion na halaga ng shabu na nasakote sa Valenzuela City noong Mayo 2017, ay namulat ang mga karakter ng drug smuggling tulad ng “consignees-for-hire,” Filipino-Chinese middlemen, mga tuso at konektadong Customs brokers, at mga walang kabusugan sa pera na tiwaling Customs officials.
Inihalimbawa pa nito ang pagkasabat noong Agosto 7, 2018, ng 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P4 bilyon sa isang abandonadong VECABA Shipment sa Manila International Container Port.
Tatlong araw ang nakalipas ay apat namang magnetic lifters na naglalaman ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P6.8B ang nakita sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite.
“Amid all these operations, illegal drugs still find its way into our doorsteps — and quite literally. Last March 19, PDEA operatives seized millions of pesos worth of illegal drugs packed in tins of Chinese biscuits inside a house at Ayala Alabang Village and at the parking lot of Alabang Town Center totaling 166 kilos of shabu worth P1.13 billion. Three Chinese suspects and one Filipino contact allegedly involved in the international drug syndicate tagged as the Golden Triangle were also arrested,” ayon pa kay Lacson.
